Trigger Warning: Depression
Unti-unti nang nakaka-recover ang aktor na si Vitto Marquez sa matinding depresyon na naranasan niya noong kasagsagan ng coronavirus pandemic na dahilan para tumanggi siya sa lahat ng mga proyektong inialok sa kanya.
“I would say I’m okay,” sagot ni Vitto, ang 26-year-old youngest son nina Joey Marquez at Alma Moreno.
“Siyempre, ang depression hindi naman palaging nawawala, pero nami-minimize naman siya.
"Now, I’m still coping up, pero hindi na yung parang malala na point ng pandemic.
“Ngayon, I can go anywhere. Sanay kasi akong makipag-conversate sa mga tao, e, noong pandemic, lockdown. Parang nakakulong ka sa bahay.”
Nakausap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Vitto sa media conference ng Working Boys 2, noong Lunes, March 20, 2023.
Hindi itinanggi ni Vitto na pumasok noon sa isip nitong wakasan ang sariling buhay pero masuwerte siya dahil buong-buo ang pagmamahal at suporta sa kanya ng pamilya niya.
Pag-amin niya, “Inisip kong magpakamatay noon, five months after mag-start ng pandemic.
“Naisip ko yon, I’m not gonna lie. Pero nilabanan ko talaga kaya ako tumaba dahil sa stress eating.
“Luckily, my family was there. My girlfriend was there.”
Read: Vitto Marquez nakaranas ng depresyon dahil sa pagkawala ng Hashtags sa It's Showtime at pandemya
BOY BASTOS PROJECT
Limang pelikula ang natatandaan ni Vitto na bilang ng mga proyekto na kanyang tinanggihan, kabilang ang Boy Bastos, na magsisilbi sanang launching movie.
Tinanggihan niya ito dahil takot nga siyang lumabas ng bahay.
Napunta ang proyekto kay Wilbert Ross, na kasama ni Vitto sa Working Boys 2.
Read: Wilbert Ross, nakamit ang big break sa pelikulang Boy Bastos
Saad ni Vitto, “Marami akong tinatanggihan hindi dahil sa choosy ako. Ayoko lang talagang makaapekto ng ibang mga tao.
“Kasi sinabi ko sa sarili ko, kapag tinanggap ko yung trabaho na ito na hindi ako okay, hindi lang ako yung maaapektuhan. Pati yung buong istorya. Hindi ko magagawa ang trabaho nang maayos.
"Naging problem sa akin na lumalabas ako na hindi okay. Nahihirapan talaga akong mag-operate, kumbaga.
“Actually, yung Boy Bastos, that was offered to me noong start pa lang ng pandemic. Nasa akin na yung script pero hindi ko tinanggap.
"Si Wilbert nga, laging nagpapasalamat sa akin. Pero sabi ko, ‘Wilbert, para sa yo yan and proud ako na sa yo napunta.’
“Kasi si Wilbert, parang kapatid ko sa Hashtags. He said na na-depress siya. Di ba, meron siyang issues?
“I was there for him.”
Read: Wilbert Ross claims he's the victim of a power-tripping boss of It's Showtime
GOING BACK TO WORK
Ang Kalye Kweens, ang sitcom ng TV5 at Viva Television, ang unang proyektong tinanggap ni Vitto noong 2022 nang magdesisyon siyang lumabas ng bahay at muling sanayin ang sarili na gawin ang dating normal na pamumuhay.
Hindi naging madali para kay Vitto ang pagbabalik sa pag-arte dahil matinding kaba ang kanyang naramdaman habang papunta siya sa set ng Kalye Kweens.
Malaking bagay na magkasama sila ng kanyang ina na si Alma sa naturang programa.
Aniya, “Risk sa akin na gagawin ko yung show. Nahirapan akong pumunta sa set. Yung mag-drive papunta sa set, kinakabahan ako.
“Unti-unti, talagang nilalabanan ko, e, nung time ng Kalye Kweens, nalaman ko na kasama sa cast si Mama.
“When I went there, it felt normal. I feel like I’m back in doing movies.”
Bukod kina Vitto at Wilbert, bida rin sa Working Boys 2 sina Mikoy Morales, Nikko Natividad, at Andrew Muhlach.
Ipalalabas ito sa mga sinehan simula sa March 29.
Para sa mga nangangailangan ng kausap at tulong dahil sa kanilang mental health issues, tumawag lamang sa National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, Landline (02) 7-989-8727 at cellphone number 0966-351-4518.