Pinatunayan ni Lyca Gairanod na may katotohanan ang kasabihang "You can take the girl out of the village, but you sure can’t take the village out of the girl."
Ito ay dahil sa pagpasok niya sa isang steel dumpster o basurahan para tumingin kung may mga bagay na itinapon na pero puwedeng isalba at gamitin.
Ang pagkakaiba lang, ginawa ni Lyca ang dumpster diving niya sa San Diego, California, at hindi sa Pilipinas.
Dumpster diving ang tawag sa pagsasalba sa mga bagay na itinapon na ng mga may-ari pero pinulot ng ibang tao na naniniwalang may pera sa basura.
Sa Pilipinas, pangangalakal at hindi dumpster diving ang tawag sa pamumulot ng mga basura na pinakikinabangan at pinagkakakitaan ng ating mga mahihirap na kababayan.

Read: Lyca Gairanod proudly shows childhood home in Tanza, Cavite
Literal na malayo na ang narating ni Lyca dahil nagpunta siya sa Amerika bilang special guest ni Arthur Nery sa U.S. at Canada tour nito mula noong July 21, 2023 hanggang July 29, 2023.
Ibinahagi ni Lyca ang video ng pagpunta nito sa isang steel dumpster. Malinaw na gagamitin niya itong social media content kaya maghahanap siya ng mga gamit o bagay na puwedeng iuwi niya sa Pilipinas at mapapakinabangan ng kanyang pamilya.
Walang takot na pinasok ni Lyca ang dumpster at kinalkal niya ang mga basura.
Hindi nakitaan ng pandidiri si Lyca kaya nakatanggap ito ng mga papuri mula sa mga nanood ng kanyang inilabas na video. Ayon sa mga nagkomento, hindi pa nakalilimutan ng singer ang kanyang pinagmulan at hindi pa rin nagbabago ang ugali nito, kahit showbiz personality na siya.
Pero kasunod ng mga paghanga kay Lyca ang mahigpit na paalaala sa kanyang dapat nagsuot siya ng protective gloves bilang proteksiyon laban sa mga mikrobyo habang kinakalkal niya ang mga basura.
Hindi rin gumamit si Lyca ng alcohol para punasan ang kanyang mga kamay na humawak sa mga maruruming gamit.
Pero ipinahayag ni Lyca ang pagkadismaya dahil wala siyang namataang sirang cellphone o headset na puwedeng isalba at pakinabangan.
“Yun lang ang pinuntahan namin dito ha? Yung dumpster, dumpster. Ano kayo, sanay ako sa trabahong ganyan, 'no!” sabi ni Lyca.