Iilan ang nakakaalam na malaki ang partisipasyon ni Chynna Ortaleza sa Viva One Original Series na The Rain in España at ng upcoming series na Safe Skies Archer, na parehong isinulat ni Gwy Saludes.
Nitong Lunes ng tanghali, September 4, 2023 sa Viva Café, ipinakilala sina Jerome Ponce, Krisha Viejo, Jairus Aquino, at Hyacinth Callado bilang Safe Skies Archer cast; at ang mga bagong makakasama nina Marco Gallo, Heaven Peralejo, Gab Lagman, at Bea Binena, ang original cast ng The Rain in España.
Read: Pagbibida nina Heaven Peralejo at Marco Gallo sa "The Rain in España," trending sa social media
View this post on Instagram
Namataan ng Cabinet Files si Chynna sa cast reveal ng Safe Skies Archer.
Siya ang creative producer ng mga nabanggit na proyekto na bahagi ng University Series books ni Saludes, na talent ng O/C Records, ang production company na pag-aari nila ng kanyang mister na si Kean Cipriano.
“Si Gwy Saludes, yung author ng University Series, ay mina-manage ng O/C so aware po kami na maraming nagmamahal sa series.
"So, nag-pitch kami kay Boss Vic del Rosario ng books niya.
"Interesado si Boss Vic, he liked the idea so he also knows na one of my dreams na hindi ko pa talaga na-fulfill is to work behind the camera.
"Very vocal po ako na parang goal ko na maging si Miss Charo [Santos-Concio].
“Sabi sa akin ni Boss Vic, ‘Chynna, I think ito yung chance mo. Galingan mo dito, maging creative producer ka,” sagot ni Chynna nang itanong namin ang partisipasyon niya sa mga akda ni Saludes na ginawang series at mapapanood sa Viva One streaming site.
Natutuwa si Chynna dahil bilang creative producer, anim agad ang mga proyekto niya.
Nauna ang The Rain in España na susundan ng Safe Skies Archer at ng apat pa na series.
Saad ni Chynna, “Super thankful po ako kasi parang, kumbaga, anim agad na series ang projects ko.
“Una yung The Rain in España. Behind the scene ako pero meron din nakakaalam na ako yung creative producer.
“Ang work ko talaga is to make sure that the adaptation is close to the book at yung balanse na matutuwa sa business side ang producer at creative side, which is Gwy.”
Ayon kay Chynna, naging madali ang kanyang pagiging creative producer dahil nakatulong ang kanyang mga karanasan bilang aktres.
"Sabi ko nga, 360 degrees na nag-start ako sa youth-oriented shows. Hindi ko alam na yung experience ko, e, magkakaroon pala ng ambag in some other way, which is through this series.
“Super happy ako. Sobrang fulfilling for me.
"Kaya alam ko, ever since bata pa ako, mahilig talaga ako sa mga behind-the-scene activities, even noong aktres pa ako.
“Madalas akong nakatambay sa tent ng mga producer, nakikipag-usap sa creative people kasi yon talaga ang isa sa mga bagay na gusto kong gawin for a long time.
"I am very happy,” ani Chynna.
Memoryado ni Chynna ang pamagat ng lahat ng mga nobela ni Gwy na susunod na proyekto niya: Chasing in the Wild, Avenues of Diamonds, Golden Scenery of Tomorrow, at Our Yesterday’s Escape.