Kabilang sina Paul Salas, Paolo Gumabao, at Jane de Leon sa mga artistang ipinakilala bilang mga bida sa "Mukbang," "Rage," at "Glitch" episodes ng Shake, Rattle & Roll Extreme.
Ginanap ang cast reveal ng latest movie sa horror franchise na ito ng Regal Entertainment, Inc. ngayong Miyerkules ng hapon, September 27, 2023.

Hindi nakalimutan ni Paul na ikuwento ang trivia niya tungkol sa kanyang partisipasyon sa "Mukbang" episode ng Shake, Rattle & Roll Extreme.
Hindi ito ang unang pakakataong pagbibida niya sa Shake, Rattle & Roll dahil napanood na siya sa "Aquarium" episode ng Shake, Rattle & Roll 2K5, na official entry sa 31st Metro Manila Film Festival noong December 2005.

Paul Salas in"Aquarium" episode of Shake, Rattle & Roll 2K5
Kuwento niya, “Ito po ay second Shake, Rattle & Roll ko. I was six years old noong unang nagbigay tiwala ang Regal sa akin.
“Isa po yon sa talagang malapit sa puso ko dahil nanalo po akong best child actor noong time na yon sa 'Aquarium' episode kaya thank you.
"Bale 18th anniversary ko na po ngayon.
“It’s an honor na may magawa na bahagi ng istorya at sa pagbabalik ng Shake, Rattle & Roll this time, much extreme at marami kaming ibibigay pa sa inyo na talagang bago.”
Gaya ni Paul, naging bahagi na rin ng Shake, Rattle & Roll si Paolo Gumabao. Nangyari ito noong 2014 pero bit player pa lamang siya.
“This is not my first Shake, Rattle & Roll. I was in the last Shake, Rattle & Roll sa 'Ahas' episode,” ang rebelasyon ni Paolo.
Ang Shake, Rattle & Roll XV, na opisyal na kalahok sa 40th Metro Manila Film Festival noong December 2014, ang proyektong kanyang tinutukoy.

Paolo Gumabao in "Ahas" episode of Shake, Rattle & Roll XV
“I was one of the model talents. Pero now, being in the latest Shake, Rattle & Roll, I feel very blessed and honored kasi simula bata ako, isa rin ang Shake, Rattle & Roll sa paborito kong panoorin.
“Dati, pinapangarap ko lang na kapag napapanood ko yung mga artista, sana paglaki ko, kasama ako.
"And now na nandito ako, parang it’s a surreal experience,” sabi ni Paolo, na seryoso sa desisyon niyang huwag nang magpaseksi sa pelikula.
Read: Paolo Gumabao, sasabak sa rom-com movie; graduate na sa hubaran?
Ipinagmalaki naman ni Jane de Leon na lumaki siyang pinanonood ang Shake, Rattle & Roll series kaya ikinatutuwa niyang kasali siya sa Shake, Rattle & Roll Extreme.
“Nakakatuwa kasi laking Shake, Rattle & Roll ako since bata ako. Super dami ko nang napanood.
"At isa nga sa favorite ko yung kay Mama Iza [Calzado], yung 'Yaya' and 'LRT Station,'" pagtukoy niya sa mga episode sa Shake, Rattle & Roll VIII na official entry sa Metro Manila Film Festival noong 2006.
Ayon pa kay Jane, “Actually, marami akong napanood kaya hindi ako makapaniwala na naging parte na ako ng Shake, Rattle & Roll.
"Parang history na rin ito kasi next generation, kumbaga, kaya thank you Mother Lily and Miss Roselle Monteverde."