Ang newcomer actress na si Manang Medina ang lead star sa sexy thriller na Langitngit, pero kapag pinanood ang kabuuan ng Vivamax movie, ang award-winning actress na si Ruby Ruiz ang tunay na bida.
Buong husay na ginampanan ni Ruby ang karakter ni Manang Flor—ang madasalin, pero may mga nakagigimbal na sikreto tungkol sa pagkatao niya—sa movie na mapapanood simula sa October 6, 2023.
Malaki ang posibilidad na magkaroon si Ruby ng mga nominasyon at magwagi ng acting award sa susunod na taon dahil sa kanyang magaling na pagganap.
Kasali rin siya sa cast ng Expats, ang six-episode limited series na pinangungungahan ni Academy Award winner at Australian actress Nicole Kidman.
Read: Ruby Ruiz awestruck with Nicole Kidman's acting prowess: "It's just like breathing."
Dahil hindi pa ipinapalabas ang Expats, limitado ang mga kuwento ni Ruby tungkol sa partisipasyon niya sa project, na kinunan ang mga eksena sa Hong Kong noong kasagsagan ng coronavirus pandemic.
Isang production insider na nakausap ng Cabinet Files ang nagbigay ng ilang trivia.
Una, sa shooting na ito naranasan ni Ruby ang halos isang buwan na isolation o self-quarantine.
Pangalawa, pinagbawalan ang cast and crew members na magpakuha ng litrato na kasama si Nicole.
Pero diumano, ang Hollywood actress mismo ang humiling kay Ruby ng photo op dahil humanga siya rito.
Kabilang si Ruby sa mga underrated Filipina actresses na magaling, pero hindi pa nabibigyan ng sapat na pagkilala sa sariling bayan.
Maihahalintulad siya kay Dolly de Leon, na nangningning ang bituin taong 2022 at age 53. Napansin ang natatanging pagganap niya sa Triangle of Sadness, at nagkaroon ng mga acting nominations sa mga international award-giving bodies.
Read: Dolly de Leon on odd jobs in the past: "Naglinis na ako ng kubeta... Gumanap din ako na kamatis."
Base sa aming napanood sa Langitngit, hindi nakakagulat na nakuha ni Ruby ang respeto at paghanga ni Nicole.
Samantala, sa panayam kay Ruby noong nakaraang taon, nabanggit lamang niya na napaka-propesyunal na katrabaho ni Nicole, at isa ito sa mga itinuturing niya na great actress.
Pero puwedeng-puwede raw itapat sina Vilma Santos at Nora Aunor sa sikat na Australian star kung galing sa pag-arte ang pag-uusapan.
Kabilang sa mga naging projects ni Ruby ay ang series na Iron Heart (2023), Linlang (2023), Almost Paradise (2023), to name a few. Nakasama rin siya sa cast ng The Bourne Legacy (2012).