“Para akong steak, slow cooked pero well done.”
Ito ang nakangiting pagsasalarawan ni Jerald Napoles sa sarili dahil sa matagal na panahong kanyang hinintay bago siya nabigyan ng launching movie—ang Instant Daddy na nakatakdang magbukas sa mga sinehan simula sa Miyerkules, Oktubre 11, 2023.
Walang-wala sa pangarap ni Jerald pumasok sa showbiz pero natatandaan niyang pumupunta siya noon sa studio ng Eat Bulaga! dahil dancer ng programa ang isa sa kanyang kamag-anak.
Nag-umpisa si Jerald bilang theater actor noong 2004, at ito ang naging daan para mabigyan siya ng mga proyekto sa telebisyon at sa mga pelikula.
Ikinuwento ni Jerald na muntik na niyang talikuran ang showbiz para magtrabaho sa isang call center company sa ibang bansa dahil hindi siya masaya sa takbo ng kanyang acting career.
“Ang hirap kumuha ng lead role. Ang hirap talaga. Eto, lead ako ngayon, fifteen years… twenty years in the making,” lahad ni Jerald tungkol sa kanyang plano noong tumigil sa pag-aartista dahil naiinip na siya sa paghihintay na mabigyan ng lead role.
Patuloy niya, “Ang hirap gumawa ng lead role. Ang suwerte ko, inabot ko ang era ngayon na puwede akong maging lead.
"Pero inabot ko rin yung dati na maging best friend lang ng bida, okay na. Bida na rin ako.
“Ang hirap, e. Nag-audition ako sa Cinemalaya, pumipila ako.
"Sa Cinemalaya kasi, sa salamin ng pinto ng audition hall, nandoon na yung cast, yung role.
“Mamimili ako, may judgment agad ako sa sarili ko. 'Hindi puwede sa akin ito. Hindi ako kukunin dito. Wala akong role dito.'
“Tapos makikita mo, yung lead roles, pre-cast na. Hindi ko naman sinisisi. Ganoon talaga.
"Of course, ganoon mag-produce at mag-direct ng pelikula, may naiisip ka na kung sino ang aarte.”
Read: "Unreasonable demands?" Shirley Kuan breaks silence on controversy involving Bea Alonzo
Matindi ang dedikasyon ni Jerald sa lahat ng mga trabahong pinapasukan niya, pero nawalan pag-asa dahil maraming taon ang lumipas bago nabigyan ng mga pelikula na siya ang bida.
Saad niya, “Ang tagal kong ginapang yung ganoon. Tiyaga rin at paniniwala.
"Pero muntikan na akong mag-quit kasi nga meron akong, ‘Walang lead role para sa akin.'
“Hindi ako namomroblema sa dedication ko. Namomroblema ako sa may puwang ba para sa akin sa mga pelikula ninyo?
“Pero inilatag naman ng Diyos at ng tadhana kung saan ako papunta.”
Read: Janna Dominguez's daughter with Mickey Ablan passes away