Kinumpirma ng Bureau of Immigration na lumipad sa Japan noong nakaraang Lunes, Oktubre 9, 2023, ang toy collector na si Yexel Sebastian at ang karelasyon nitong si Mikee Agustin.
Parehong iniuugnay sa P200 million investment scam sina Yexel at Mikee.
Read: Yexel Sebastian, partner Mikee Agustin fly to Japan amid PHP200M investment scam allegation
Napatunayanng bumiyahe sa Japan ang dalawa dahil sa apela ni Yexel sa publiko na huwag paniwalaan ang balitang naglalagay sa kanila sa panganib sa bansang pinuntahan nila.
“FAKE NEWS po ito, wag po kayo magpakalat ng bagay na hindi totoo. Nakaalis kami ng bansa dahil wala po kami ni isang kaso at yan naman po ay nasa batas. Meron pong due process ang lahat,” pakiusap ni Yexel noong Huwebes ng gabi, Oktubre 12, 2023, sa pamamagitan ng kanyang Facebook page para iparating sa publiko ang mensahe niya.
Pero hindi nabagabag ang maraming netizens sa apela ni Yexel dahil lalong lumakas ang panawagang bumalik sila ni Mikee sa Pilipinas at harapin ang problema nila.
Nadagdagan din ang mga pagkondena at pang-iinsulto sa kanila ng mga nakikisimpatiya sa mga tao na diumano’y natangayan nila ng malalaking halaga ng pera.
May dahilan para mangamba nang husto sina Yexel at Mikee dahil sa panawagan sa social media ng isang Von Seki.
Ayon dito, nagsabing may pabuyang matatanggap ang sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan sa Japan ng mga inaakasuhan ng fraud ng mga investor na nagpasilaw sa pangakong kikita ng limang porsiyento buwan-buwan ang perang isososyo nila sa negosyo (casino junket) ng sikat na toy collector.
Nabunyag na sangkot ang dalawa sa investment scam na nagkakahalaga ng P200 million matapos lumapit sa programa ni Senator Raffy Tulfo ang mga complainant na gusto nang bawiin ang kanilang mga puhunan.
Pero hindi na kinakausap at pinagtataguan na nina Yexel at Mikee ang mga complainnant na hindi umano tumupad sa matamis na pangako.
Malayang nakaalis ng bansa sina Yexel at Mikee dahil hindi pa nakapaghahain noon ng reklamo ang mga naagrabyado na investor.
Ito ang ginagamit na depensa ni Yexel para igiit na inosente sila ni Mikee sa kasalanang ibinibintang laban sa kanila.