Dahil ngayon lamang sila nagkaroon ng kinatawang nanalo sa Miss Universe sa unang pagkakataon, mabilis na naging biktima ng maling balita ang mga kababayan ni Miss Universe 2023 Sheynnis Palacios.
Sumugod sila sa Augusto C. Sandino International Airport ng Managua, Nicaragua, noong Linggo, Nobyembre 19, 2023.
Read: Miss Nicaragua crowned Miss Universe 2023; Michelle Dee reaches Top 10
Mali ang akala ng libu-libong Nicaraguans na babalik na si Palacios sa kanilang bansa noong Linggo dahil sa kumalat na larawan ng bagong hirang na Miss Universe, mula sa Leonel Rugama Cultural Movement, na may nakasulat na “Caravana Sheynnis, Viva Nicaragua" at "todos recibirla" o everyone receive it sa wikang Ingles.

Dinagsa ang airport ng mga Nicaraguan na may mga dalang watawat at mga torotot na kakulay ng bandera ng kanilang bansa para sa mainit na pagsalubong na gagawin nila kay Palacios.
Nahirapan ang mga pulis na awatin ang mga nagnais makapasok sa airport kaya naglagay sila ng mga check point na binantayan ng Nicaraguan army at ng mga tauhan ng Immigration and Aliens.
Read: Pinoy fans call for Steve Harvey as Michelle Dee fails to enter Miss Universe 2023 Top 5

Kahit na ipinaliwanag ng mga awtoridad na hindi pa nakatakdang bumalik si Palacios sa Nicaragua, may mga hindi naniwala dahil mas pinaniwalaan nila ang fake news at matiyagang naghintay, nagkantahan, nagsayawan, at paulit-ulit na isinigaw ang pangalan ni Palacios.
Bigong umalis sa airport ang mga Nicaraguan na nainip sa paghihintay dahil napatunayan nilang walang caravan na magaganap at hindi pa magbabalik sa Nicaragua si Palacios.
Read: FULL TRANSCRIPT: Winning answer of Miss Universe 2023 Sheynnis Palacios
Lumipad si Palacios sa Miami, Florida, mula sa El Salvador, noong Linggo para sa panayam sa kanya ng international television network na Telemundo na mangyayari sa Lunes, Nobyembre 20, 2023 (Martes ng umaga, Nobyembre 21, sa Pilipinas).
Nagtipun-tipon din sa kalsada na patungo sa airport ang mga Nicaraguan na biktima ng fake news.
May mga sasakyang nakahinto, may mga nagdala ng mga silyang inupuan nila habang hinihintay ang “pagdaan” ng caravan ni Palacios.

Dahil dito, naglabas ng opisyal na pahayag ang Miss Nicaragua Organization para magsipag-uwian na ang mga naghihintay sa wala.
“Having won the title, she has no immediate return. She will be busy with the activities of the Miss Universe Organization," paliwanag ng Miss Nicaragua Organization.
Mula sa Florida, inaasahang didiretso si Palacios sa official residence ng Miss Universe sa New York para umpisahan ang kanyang mga responsibilidad bilang 72nd Miss Universe.
Magkakaroon siya ng media tour at saka pa lamang paplanuhin ang homecoming o pag-uwi niya sa Nicaragua.