Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang idaos ang 72nd Miss Universe sa El Salvador noong Nobyembre 18, 2023, pero patuloy ang mga pagbatikos na natatanggap ni Miss Universe Organization (MUO) owner Anne Jakrajutatip dahil sa resulta.
Ang nagwaging Miss Universe 2023 ay si Sheynnis Palacios ng Nicaragua.
Hanggang Top 10 lamang ang inabot ng pambato ng Pilipinas na si Michelle Marquez Dee, kahit na sinasabi ng pageant fans at maging ng pageant experts na deserving siyang mapasama sa Top 5.
Read: Miss Nicaragua crowned Miss Universe 2023; Michelle Dee reaches Top 10
“Damned if you do, damned if you don’t” ang kasalukuyang sitwasyon ni Jakrjutatip.
Bugbog na bugbog siya ngayon sa mga personal na batikos na natatanggap, hindi lamang mula sa iba’t ibang mga nasyon kundi pati na rin sa mga Thai na sinisisi siya dahil hindi niya pinapanalo si Anntonia Porsild, ang kinatawan ng kanilang bansa at first-runner up sa Miss Universe 2023.
Natuto na si Jakrajutatip na i-deactivate ang comments section ng Instagram account niya para mabawasan ang mga masasakit na salita na ipinupukol laban sa kanya, na masyado nang personal dahil idinadamay ang bankruptcy issue na kinasasangkutan ng JKN Global Group Public Company Limited.
Ang JKN Global ang kompanyang pag-aari at itinatag ni Jakrajutatip.
Pilit na iginiit ni Jakrajutatip na debt rehabilitation at hindi bankruptcy ang pinagdaraanan ng mga negosyo niya.
Read: Miss Universe owner Anne Jakrajutatip calls out reports saying she filed for "bankruptcy."
Isinisisi ng mga Pilipino kay Jakrajutatip ang hindi pagpasok ni Michelle sa Top 5 ng Miss Universe 2023.
Pinaratangan nilang isang "cooking show" ang naturang patimpalak sa ilalim ng pamamahala ni Jakrajutatip. Wala umano itong ipinagkaiba sa Miss Grand International, ang Thailand-based international beauty pageant na isang Thai citizen din ang may-ari, ang businessman na si Nawat Itsaragrisil.
Read: Miss Grand International founder calls Philippine rep Nikki de Moura "very unprofessional"
Ngayong Martes, Nobyembre 21, muling natikman ni Jakrajutatip ang maaanghang at malulupit na pananalita ng mga Pilipino dahil sa kumakalat at edited video ng pag-uusap nila ni Michelle sa isang TV studio sa Mexico.
Paulit-ulit ang pagbigkas ni Jakrajutatip ng "move on" habang nagsasalita siya sa wikang Thai.
Bunsod nito, nagpuyos na naman ang galit ng Pinoy pageant fans dahil sa akala nilang "mag-move on" na si Michelle ang sinasabi ng may-ari ng Miss Universe Organization.
View this post on Instagram
Hiningi ng Cabinet Files ang tulong ng Filipino translator na si Aurea Mae Bulacso upang i-translate ang mga sinabi ni Jakrajutatip sa lumabas na video.
Ayon sa kanya, sinabi ni Jakrajutatip na kailangan nito ng gamot para makapag-move on siya sa resulta ng 72nd Miss Universe.
“Sinabi rin niya na ‘naloko na’ pero wala siyang pinatutungkulan kung sino.
“Magre-release daw siya ng kanta na 'Move On' kasi kailangan daw niya yon o gamot na move on,” paliwanag ni Aurea tungkol sa mga pahayag ni Jakrajutatip habang kausap nito at dinadamayan si Michelle.
Pero iba ang naging interpretasyon ng mga Pilipino na isinisisi sa Thai transgender billionaire ang pagkaligwak ng Filipina candidate sa Top 5 ng 72nd Miss Universe.
Nakisali sa pagbatikos at nakisawsaw sa isyu ang mga kilalang personalidad sa Pilipinas na dinurog din ang pagkatao ni Jakrajutatip, kahit hindi nila napanood ang kabuuan ng video at hindi nila nauunawaan ang mga pahayag sa wikang Thai ng kontrobersiyal na Thai businesswoman.
Nakunan din ng video si Jakrajutatip nang ianunsiyo na si Sheynnis Palacios ng Nicaragua ang nanalong Miss Universe.
Base sa kanyang reaksiyon, labis ang kanyang panghihinayang dahil first runner-up lang ang Thailand candidate na si Anntonia Porsild.
Ang pagkatalo ni Anntonia ang insidenteg posibleng tinutukoy ni Jakrajutatip kaya nagsalita ito kay Michelle na kailangan niya (Jakrajutatip) ng gamot na "move on" para makapag-move on mula sa kanyang nararamdamang pagkabigo.