Desidido na ang sexy actress-singer na si Rose Van Ginkel na talikuran ang paggawa ng mga sexy movie dahil sa kanyang kagustuhang magkaroon ng panibagong panimula sa 2024.
Dahil dito, labindalawang proyekto para sa Vivamax ang tinanggihan niya.
Read: Rose Van Ginkel naitanong noon sa sarili, "Ano pa ba ang kulang? Ano pa ba yung mali?"
Ipinagtapat ni Rose sa Cabinet Files na nagdadalawang-isip siyang ituloy o talikuran ang kanyang acting career dahil hanggang ngayon, hinahanap pa rin niya ang sariling lugar sa entertainment industry.
“Parang hindi alam kung itutuloy pa ang showbiz career or hindi na? May ganoon pa rin po.
“Ngayon medyo nagpahinga muna ako sa Vivamax.
"Nawalan talaga ako ng work kasi until now umaasa pa rin ang mga boss na babalik ako sa Vivamax pero ang hirap talaga.
"Ang hirap i-explain na gusto ko ng trabaho pero parang ang hirap sa mental health ko,” kuwento ni Rose tungkol sa mga pinagdaraanan niya sa kasalukuyan.
Patuloy niya, “Iniisip ko hindi na ako bata, 27 na ako. Feeling ko malapit na ako sa part na magkaka-family, magkakaanak.
"So, ayoko naman na sila yung mag-suffer dahil sa ginagawa ko."
Aminado si Rose na nahihirapan siyang makipagsabayan sa mga baguhang sexy star ng Vivamax.
“Ang hirap kalabanin ng mga bago ngayon. Hindi kasi nila naiintindihan, masyado silang nag-e-enjoy.
“Masyadong mabilis ang pangyayari kaya ang hirap makipagsabayan.
“Stalkers ang huling Vivamax project ko. Mas malala pa nga kasi series kaya ang dami talagang sexy scenes.”
Teenager si Rose nang maging mainstay siya noon ng Walang Tulugan, ang defunct late night program sa GMA-7 ng namayapang TV host na si German Moreno.
Sina Sanya Lopez, Jak Roberto, at Ken Chan ang ilan sa mga kasabayan ni Rose sa Walang Tulugan.
Sa mga hindi nakakaalam, magaling na singer si Rose at ang pag-awit ang isa sa mga gusto niyang pagtuunan ng pansin kapag huminto na siya sa pagpapaseksi sa Vivamax projects.
Saad niya, “Singing talaga ang gusto. Nagagamit ko siya sa mga mga show. Nagugulat ang mga tao, ‘Kumakanta ka pala?’
“Pero masaya, especially noong nagpunta ako sa Taiwan para sa international screening ng Kitty K7, tinanong talaga sa akin na paano nangyari na napunta ako sa Vivamax, e, singer daw pala ako.”
Malaki naman ang pasasalamat sa home studio niya dahil ipinagkatiwala sa kanya ang pagbibida sa Kitty K7, isa sa mga critically acclaimed movie ng Vivamax.
Sa ngayon, pinaghahandaan ni Rose ang shooting ng Elevator, ang pelikulang pinangungunahan nina Paulo Avelino at Kylie Verzosa. Ipinagmalaki ni Rose na nakuha niya ang role sa Elevator dahil nakapasa siya sa ipinatawag na audition.
“Talagang nag-audition pa ako. Sa akin walang problema na mag-audition kasi mas masarap sa pakiramdam,” sabi ni Rose, na tila hindi na magbabago ang pasyang huwag nang tumanggap ng mga sexy role.