May magandang resulta ang tagumpay ng child actor na si Euwenn Mikaell sa Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2023.
Si Euwenn ang itinanghal na Best Child Performer dahil sa pagbibigay-buhay niya sa karakter ni Tonton sa Firefly, na hinirang na Best Picture.
Read: Vilma Santos, Cedrick Juan, Firefly, Gomburza win big at MMFF 2023 Gabi Ng Parangal
Magkakaroon na si Euwenn ng sariling drama series, ang Forever Young, dahil siya ang pangunahing bida rito.
Ang The Curious Case of Benjamin Button, ang Hollywood movie ni Brad Pitt na ipinalabas sa mga sinehan noong Disyembre 2008, ang inspirasyon ng kuwento ng Forever Young.
Ginampanan dito ni Brad ang karakter ni Benjamin Button, ang lalakeng nagkakaedad nang pabaligtad dahil pabata nang pabata ang kanyang hitsura.
Ayon sa direktor ng Forever Young na si Gil Tejada, siya ang nagbigay ng acting workshop kay Euwenn bilang paghahanda sa karakter na gagampanan ni Euwenn.
Makakasama ni Euwenn sa upcoming afternoon drama series ng Kapuso Network sina Michael de Mesa, Eula Valdes, Nadine Samonte, Rafael Rosell, Althea Ablan, Princess Aliyah, at Quezon City Councilor Alfred Vargas.
Nagdiwang si Euwenn ng ikalabing-isang kaarawan noong Enero 14 , at ang pagbibida sa Forever Young ang maituturing na pinakamalaking regalo na kanyang natanggap.