Opisyal na ipinakilala si Benjie Paras bilang bagong co-host ng businesswoman na si Anna Magkawas sa business talk show na Negosyo Goals.
Dating napapanood ang Negosyo Goals sa ALLTV, pero matutunghayan na ito sa GTV simula sa Pebrero 11, 2024.
Naging madali para kay Benjie na tanggapin ang alok ng Negosyo Goals dahil sister company ang GTV ng kanyang home studio, ang GMA-7.
Read: Benjie Paras to appear in ABS-CBN show while doing GMA-7 sitcom
“I’m at home, GTV ito. Dito rin naman ako nagtatrabaho,” pahayag ni Benjie nang humarap sila ni Anna sa mga miyembro ng media sa isang restaurant sa Malabon City, noong Biyernes, Pebrero 2, 2024.
Kilala si Benjie bilang basketball player, komedyante, at sports analyst kaya malaking hamon sa kanyang maging co-host ng isang business talk show.
Lahad niya, “When I started in basketball, which is very different from showbiz, basketball is about self-discipline. Natutulog nang maaga, proper diet.
“Ang showbiz kasi, yung work natin palaging puyatan, wala sa oras yung kain.
"Learning through experience. I am so very happy and very privileged na marami akong nakasama na mga beteranong artista, dun ako natuto."
Patuloy ni Benjie, “Nagkaroon ako ng business, food chain, pero natigil din.
"Ang sa akin lang, hindi ako yung makakatulong. Ako yung matutulungan [ng hosting job niya sa Negosyo Goals], just in case na gusto ko ring magkaroon ng stable business.
“I think ito yung part na dito ako matututo, kasi sa pagpasok sa negosyo, I think ang una kong nakita, kailangan, buo talaga ang loob mo.
"Of course, yung feasibility study, pag-aaralan mo lahat ng anggulo. Ito yung part na different from what I am doing.
"Ang basketball, very visual. Whatever I see, kailangan sabihin ko.
"Sa Negosyo Goals, I have to listen."
Nabigyan na ng pagkakataon si Benjie mainterbyu ang mga negosyanteng natulungan ng Negosyo Goals kaya ipinagpapasalamat niyang bahagi na siya ng programa.
Read: Anna Magkawas, level up ang hosting para sa second season ng Negosyo Goals
Nang sabihin kay Anna na si Benjie ang napipisil na co-host niya sa Season 3 ng Negosyo Goals, aprubado agad sa kanya dahil alam niyang malaki ang magiging kontribusyon ng komedyante.
Ani Anna, “Nakakatawa siya. Kung dati, sinasabi ko masaya kami, mas masaya kami ngayon sa set dahil sa kanya.
"Minsan akala namin, seryoso siya. Bigla na lang siyang hihirit ng mga punchline."
Binigyang-linaw naman ng executive producer ng Negosyo Goals na si Ivy Ataya ang tungkol sa pag-alis nila sa ALLTV at paglipat sa GTV.
Ang mahinang "reach" ng ALLTV ang sinabing dahilan ni Ivy ng kanyang pasyang ilipat ang Negosyo Goals sa GTV.
Ngayong nasa bagong tahanan na ang kanilang programa, naniniwala siyang mas marami ang manonood at malaki na rin ang tsansang maimbitahan nila ang Kapuso stars na may mga negosyo.