Ang limang taong agwat ng mga edad ng PBA player na si Ricci Rivero, 25, at ng kanyang girlfriend na si Bb. Pilipinas Globe 2019 at Los Baños, Laguna Councilor Leren Mae Bautista, 30, ang ginagawang isyu ng mga hindi sang-ayon sa kanilang relasyon.
Pero may pabirong sagot ang dating beauty queen dito.
Read: Leren Mae Bautista to boyfriend Ricci Rivero: “You came at the right time in my life.”
Aniya, “Natatawa lang ako minsan kasi kapag sinasabi nilang tita daw po ako ni Ricci, sabi ko, 'Ate lang.'"
Ipinaliwanag ni Leren na kahit matanda siya ng limang taon sa kanyang basketball player-actor boyfriend, nauunawaan nila ang isa’t isa.
Pahayag niya, “Sobrang nagkakaintindihan din naman kami.
"Ang level of maturity ni Ricci, parang sabi ko nga, parang mas mature pa siya sa akin pero ako yung mas matanda."
Magkasama sina Leren at Ricci na nag-guest sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Biyernes ng hapon, Pebrero 16, 2024.
Ang paglabas nina Ricci at Leren sa showbiz-oriented talk show ni Boy Abunda sa GMA-7 ang unang pagkakataong pumayag silang magsalita sa telebisyon tungkol sa kanilang relasyon.
Nagkakilala ang dalawa sa feeding program ni Leren sa Los Baños, Laguna na sinuportahan ni Ricci noong Hunyo 2023.
Ayon kay Ricci, hindi niya inasahang hahantong sa relasyon ang unang pagkakataong pagkikita nila ni Leren.
“Siguro marami lang din yung, kumbaga, pinagdaanan together in terms of yung wala naman anything.
"Pero dahil nakakapag-usap kami because of the problem that’s going around, mas naging close kami,” sabi ni Ricci.
Kinumpirma ni Ricci, sa pamamagitan ng social media post noong Oktubre 2023, ang relasyon nila ni Leren.
Read: Ricci Rivero finally admits relationship with Leren Mae Bautista
Ayon kay Leren, suplado ang unang impression niya sa boyfriend.
Lahad niya, "Nag-start talaga during the feeding program. Dun ko siya nakita in person, nakausap.
"At first, sabi ko, 'Ah, okay, artista ka nga pala. Parang suplado."
Nagpasalamat naman ang dating beauty queen kay Ricci dahil suportado nito ang kanyang paglilingkod sa mga mamamayan ng Los Baños, Laguna.
Ani Leren, “He’s very supportive with my work as a public servant.
“Never po kaming nagkaroon ng misunderstanding with the work that I have right now. Sobrang naiintindihan niya.”
Tinanong ni Boy Abunda sina Ricci at Leren kung ano ang mga dala nilang "baon" para sa relasyon nila ni Leren.
Ayon kay Ricci, “Masaya rin kasi siyang kasama talaga. I mean, masaya siya kasama, especially nga nung times na starting sa small talks.
"Marami rin kaming ginawa na sobrang simple lang pero talagang na-enjoy namin yung mga bagay na yon, mga road trip.
“Yung mga maliliit na bagay na na-enjoy namin na genuine happiness.”
Para naman kay Leren, ang matatag na pundasyon ng pagmamahalan nila ni Ricci ang baon niya.
Saad niya, "Mas willing kami na makilala yung isa’t isa.
"Meron tayong mga bagay na kapag may nakilala tayo, ang feeling natin, kailangan natin to pretend para lang i-like tayo ng someone.
“Ako, yung na-feel ko sa kanya, we don’t have to pretend kapag kasama ko siya. Feeling ko, yun ang naging magandang start ng relationship namin.”