Sa ginanap na hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Martes ng umaga, Mayo 7, 2024, naungkat ang kontrobersiyang kinasangkutan ni Maricel Soriano noong 2011.
Ito ay ang pagsasampa ng reklamo ng mga dating kasambahay ni Maricel na sina May Cachuela at Camille Acojedo dahil sa pananakit at pagkukulong diumano sa kanila ng aktres.
Read: Two househelps accuse Maricel Soriano of maltreatment; actress remains mum
Si Senator Ronald "Bato" dela Rosa ang nag-usisa sa aktres tungkol dito.
Pinabulaanan ni Maricel ang akusasyon na ikinulong at sinaktan niya ang mga dating kasambahay sa condominium unit ng aktres sa Rizal Tower, Rockwell, Makati City, noong Hunyo 29, 2011.
Sinabi ni Maricel na pinaalis niya ang kanyang mga kasambahay dahil ninakawan siya ng mga ito.
“Paano ko naman po bubugbugin, dalawa po sila?” sagot ni Maricel nang itanong ni Dela Rosa ang isyu ng pambubugbog.
Isang nakakaalam sa insidente ang nakausap ng Cabinet Files at pinatotohanan niya ang depensa ni Maricel.
Imposible raw na ikulong ni Maricel ang mga nagreklamo dahil walang lock o padlock mula sa labas ng pinto ang kuwarto ng kasambahay.
May sarili rin umanong exit door ang kuwarto ng mga kasambahay na malayang nakalalabas anumang oras kaya imposible ang kanilang bintang na ikinulong sila ni Maricel.
Matibay na ebidensiya ang layout ng condominium unit na nakita ni Mon Tulfo.
Si Tulfo ang nilapitan ng mga kasambahay para ireklamo si Maricel at siya ang namagitan kaya nagkaroon ng resolusyon ang isyung nangyari labintatlong taon na ang nakalilipas.
Read: Maricel Soriano and former househelps settle maltreatment claim
MARICEL SORIANO ON PDEA LEAKS
Inimbita ni Senator Dela Rosa, chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sa Senado si Maricel para ibigay ang panig nito tungkol sa pagdadawit sa pangalan ng aktres sa diumano’y "PDEA leaks."
Read: Maricel Soriano attends Senate hearing on "PDEA leaks"
Ang "PDEA leaks" ay ang dokumentong may petsang Marso 11, 2012 na nagsasangkot sa mga kilalang personalidad, gaya ni Presidente Ferdinand Marcos Jr., na gumagamit umano ng ipinagbabawal na droga tulad ng cocaine.
Inamin ni Maricel ang kabang nararamdaman nang humarap siya sa pagdinig kanina.
Dumalo rin sa pagdinig sa Senado kaninang umaga sina Senators Jinggoy Estrada at Robinhood Padilla.
Malaking bagay ito kay Maricel para kahit papaano ay mabawasan ang kaba dahil kasamahan niya sa entertainment industry ang dalawang aktor.
Makikita sa mga video ang pag-alalay ni Robinhood kay Maricel nang dumating ang aktres sa Senado.