May tumalo sa record na naitala ni Batangas Governor Hermilando Mandanas—si Alex Muhlach, ama ng dating Child Wonder Niño Muhlach.
Pinag-usapan at lumikha ng ingay ang pagpapakasal sa simbahan ni Mandanas at ng asawang si Atty. Angelica Chua noong Mayo 8, 2024, dahil sa malaking agwat ng kanilang mga edad.
Apatnapu’t walo (48), o halos limampung taon, ang agwat ng edad ng mga bagong kasal. Si Mandanas ay 80 years old; si Chua ay 32 years old.
Read: 80-year-old Batangas governor marries 32-year-old lawyer
Pero tinalo nga sila ng ama ni Niño na si Alex Muhlach: Limampu’t dalawang (52) taon ang tanda nito sa girlfriend na si Mae Fortaleza.
Magkarelasyon sila mula pa noong 2014.
Magdiriwang ng kanyang ika-82 na kaarawan si Alex sa Hunyo 9, 2024.
Masasabing guwapo, matikas, at batambata pa rin ang hitsura nito.
Si Mae naman ay magti-30 years old ngayong 2024.
Read: Nino Muhlach reveals who will inherit aunt Amalia Fuentes's pamana
Nagkaroon ng pagkakataon ang Cabinet Files na makausap si Alex ngayong Lunes ng gabi, Hunyo 3, 2024, sa isang video call.
“Ten years na kami ni Mae at 52 years lang ang agwat ng aming edad,” sabi ni Alex, na bakas sa mukha ang labis na kaligayahan.

NIÑO MUHLACH ON PAPA ALEX'S RELATIONSHIP
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files kay Niño, sinabi nitong hindi isyu sa kanya ang pagkakaroon ni Alex ng batang karelasyon dahil ang kaligayahan ng ama ang tanging hangad niya.
May paghanga naman siya sa partner ng amang si Mae, na "Kuya" ang tawag sa kanya.
“She gave her best years of her life para alagaan si Papa," sabi nito tungkol kay Mae.
“Yung prime years ng buhay niya, she gave it up para kay Papa. They’ve been together since she was 20.”
Sinabi ni Niño na kailanman ay hindi siya naging hadlang sa pagmamahalan nina Alex at Mae.
Nakikita raw niyang maligaya ang tatay niya sa piling ng karelasyon at magkasundong-magkasundo ang dalawa, sa kabila ng 52 taong agwat ng kanilang mga edad.

NIÑO EMOTIONAL TALKING ABOUT PAPA ALEX
Si Niño at ang mga anak nitong sina Sandro at Alonzo ang mga bisita ni Boy Abunda sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Lunes ng hapon, Hunyo 3, 2024.

Hindi napigilan ng dating child superstar na mapaluha nang mapag-usapan ang ama.
Mahal na mahal ni Niño si Alex at tumatanaw ito ng malaking utang na loob sa tatay niya.
Si Alex ang dahilan kaya nagkaroon ng matagumpay na showbiz career si Niño, na nag-umpisang umarte sa edad na tatlo.
Masinop sa pera at mahusay sa negosyo ang ama ni Niño, kaya nakapagpatayo sila ng sariling movie production company, ang D’Wonder Films, na nagprodyus noon ng blockbuster movies ng tinawag na Child Wonder.
Inilagay ni Alex sa trust fund ang mga perang kinita ni Niño, kaya komportable ang pamumuhay ngayon ng dating child star, na nagmamay-ari ng building sa N. Domingo Street, ang El Niño Apartelle, at ng sikat na Muhlach Ensaymada.
Read: Niño Muhlach: “Hindi naman ako umaasa na magiging superstar ako uli tulad noong araw."