Ganap nang isasara sa publiko ang Sofitel Philippine Plaza Manila sa darating na Linggo, Hunyo 30, 2024.
Ang luxury hotel na ito sa Pasay City, na mula sa disenyo ni National Artist for Architecture Leandro Locsin, ay opisyal na binuksan noong Setyembre 26, 1976.
Read: UPDATED: Here's What We Know About Sofitel Closing This Year

SHOWBIZ MEMORIES FROM SOFITEL
Sa loob ng 47 taon, marami ang masasaya, malulungkot, at kontrobersiyal na eksena ang nangyari sa Sofitel Philippine Plaza, na kilala sa dating tawag na Westin Philippine Plaza.

Hindi malilimutan ng isang aktres na dumalo sa Kapihan sa Maynila sa Philippine Plaza noong 1993 ang pagmumura at paninigaw sa kanya ng isang kontrobersiyal na showbiz personality.
Humantong sa korte ang kaso dahil nagdemanda ang aktres.
Pero nalutas ang usapin nang umiiyak na humingi ng paumanhin ang showbiz personality na pinatawad ng aktres.
Ikinasal sina Sunshine Cruz at Cesar Montano sa beachside ng Manila Bay noong Setyembre 14, 2000. Nag-check-in sa Sofitel ang aktres para sa importanteng araw sa buhay nila ng kanyang dating asawa.
Read: Cesar and Sunshine: Sunset Nuptials

Noong Oktubre 15, 2007, naging sentro ng kontrobersiya ang Sofitel dahil sa kuwento ng talent manager na si Lolit Solis na nakita niyang magkasama sa poolside ng hotel sina Sam Milby at Piolo Pascual.
Read: Lolit Solis stands firm on "date" story despite contradicting claims by Sam-Piolo defenders
Humantong din sa korte ang isyu dahil nagsampa ng libel case ang dalawang aktor.
Pero iniurong nila ang demanda nang humingi ng public apology si Lolit noong Mayo 2008.
Read: Piolo Pascual and Sam Milby drop libel case against Lolit Solis

Ipinagdiwang nina Senator Bong Revilla at Lani Mercado ang ika-25 anibersaryo ng pagpapakasal nila sa California, USA, noong Mayo 28, 2011 sa pamamagitan ng renewal of vows sa Shrine of St. Therese of the Child Jesus sa Pasay City.
Ginanap sa Harbour Tent ng Sofitel ang kanilang marangyang anniversary dinner.
Read: Lani Mercado does not "expect any more hurts" from Bong Revilla, her husband of 25 years
Ang Sofitel ang official residence ng Queen of Pop na si Madonna nang itanghal nito ang kanyang The Rebel Heart Tour sa Mall of Asia Arena noong Pebrero 2016.
SOFITEL EMPLOYEES
Personal na sinadya ng Cabinet Files ang 47-year-old hotel nitong Biyernes ng hapon, Hunyo 28.
Ayon sa mga empleyadong nakausap namin, sinabi sa kanilang isasara ang Sofitel Philippine Plaza dahil sasailaim ito sa renovation. Pero mas pinaniniwalaan nila ang isang dahilan na hindi na bubuksan ang nabanggit na hotel.

Malungkot ang mga empleyadong aming nakausap dahil mahigit sa isang libo ang mawawalan ng trabaho sa nakatakdang pagsasara ng hotel na kanilang pinaglingkuran sa matagal na panahon.
“Wala po akong malilipatang trabaho kapag nagsara na ang hotel. Hindi po ako puwedeng magtrabaho sa ibang bansa dahil kapapanganak ko pa lamang noong nakaraang taon. May hinuhulugan pa naman akong sasakyan,” hinaing ng food attendant na nagsilbi ng pagkain na order namin.

Kinumpirma naman ng isang empleyadong tatanggap na lamang sila ng mga overnight guest hanggang Sabado, Hunyo 29, at kailangang mag-check out ang mga bisita sa Linggo ng tanghali, Hunyo 30.
Maaaring gamitin ng mga hotel guest ang swimming pool hanggang Linggo lamang ng umaga. Pero drinks o mga inumin lang ang puwede nilang bilhin dahil wala nang magluluto ng mga pagkain.

Sa Linggo ng tanghali, hahakutin at dadalhin ng mga empleyado sa Sofitel Harbour Tent ang mga kagamitan ng hotel na walang katiyakan kung kailan muli mapakikinabangan.
LAST VISIT TO SOFITEL
Lumitaw ang pagiging sentimental ng ilang mga kababayan natin dahil dalawang araw bago ang pagsasara ng hotel, dumagsa ang mga bisitang kumain sa Spiral buffet.

Nagpakuha rin sila ng larawan sa iconic spiral staircase, sa bawat sulok ng Sofitel, at inikot ang buong paligid na maaaring matagal o baka hindi na nila masilayan.
Read: A Parting Guide to Sofitel's Famous Spiral Buffet


Matatanaw mula sa swimming pool area ng Sofitel ang reclaimed area na inaayos at napapabalitang tatayuan ng bagong hotel na tiyak haharang sa dating dinarayong makapigil-hiningang Manila Bay sunset.
