“Ay, hindi ako puwedeng magsalita,” sagot ni former Senate President Manny Villar nang hingin ng entertainment press ang kanyang panig tungkol sa pagpapalabas ng It’s Showtime sa ALLTV simula pa noong Hunyo 17, 2024.
Ang ALLTV ang family-owned television network ng Villar family.
Read: Richest Pinoy Manny Villar takes over ABS-CBN channels: A Timeline
Ang It's Showtime ay ang noontime show ng ABS-CBN na umeere sa GMA-7, GTV, A2Z, at Kapamilya Channel.
Marami ang nagulat nang mapanood ang It’s Showtime sa ALLTV dahil mahigit dalawang buwan pa lamang ang nakalilipas nang magsimulang ipalabas ang Kapamilya noontime program sa GMA-7, mula Lunes hanggang Sabado.
Nakadagdag sa sorpresang airing ng It’s Showtime sa ALLTV ang nakakaintrigang kuwento ng isang ABS-CBN insider na i-downplay o huwag masyadong bigyan ng pagpapahalaga ang isyung natutunghayan na rin ang naturang noontime show sa network na pag-aari ng mga Villar.
Ang ALLTV ay ang dating Channel 2 kung saan umeere ang mga programa ng ABS-CBN.
Matapos ibasura ng Kongreso, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang application for franchise renewal ng ABS-CBN noong July 10, 2020, iginawad ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Advanced Media Broadcasting System, Inc. (ABMS) ang pansamantalang kontrol sa dalawang channels na dating ginagamit ng ABS-CBN—ang Channel 2 at Channel 16.
Ang AMBS ay pagmamay-ari ng dollar-billionaire business tycoon at dating senador na si Manny Villar.
Kabilang sa 70 kongresistang bumoto na ibasura ang franchise renewal ng ABS-CBN ay si Las Piñas City Representative Camille Villar, anak ni Manny.
Read: Who are the 70 solons who voted to kill ABS-CBN appeal for franchise renewal?
Nakausap ng mga miyembro ng media ang dating senate president, ang asawa nitong si Senator Cynthia Villar, at ang kanilang anak na si Camille sa 95th birthday celebration ni former First Lady Imelda Marcos na ginanap sa tahanan ng mga Marcos sa San Juan City, nitong Miyerkules ng hapon, Hulyo 3, 2024.
IMELDA MARCOS'S 95TH BIRTHDAY
Kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Imelda Marcos ang paggunita sa ika-139 birth anniversary ng kanyang pumanaw na ama na si Vicente Orestes Romualdez, na isinilang noong Hulyo 3,1885.
Dumalo sa birthday merienda cena para sa dating Unang Ginang ang mga artista ng Maid in Malacañang na sina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Ella Cruz, Beverly Salviejo, at Diego Loyzaga; at ang direktor na si Darryl Yap.
Read: Maid in Malacañang opening salvo ng Viva Prime

“May work si Marco,” sagot ni Cristine nang hanapin ng Cabinet Files ang kanyang boyfriend na si Marco Gumabao.
Ipinakilala naman ni Beverly sa mga reporter ang tunay na Manang Biday, si Felina Consulta Ponce, ang karakter na ginampanan niya sa Maid in Malacañang.
Ikinuwento ni Manang Biday na 57 taon siyang naglingkod sa pamilya Marcos.
Nagsimula ang pagsisilbi niya sa dating first family noong 18 years old siya. Sa kanya ipinagkakatiwala ni Mrs. Marcos ang pag-aayos ng buhok nito.

Nang mag-umpisa ang shooting ng Maid in Malacañang, ipinatawag si Manang Biday para ito ang mag-ayos ng buhok ni Ruffa na gumanap na Mrs. Marcos. Pero hindi raw siya pinayagan ng kanyang mga anak na umalis ng bahay dahil sa edad niya.
Walumpo’t dalawang (82) taon na ngayon si Manang Biday na isa sa mga panauhin sa 95th birthday ng kanyang dating amo.
Bukod sa cast ng Maid in Malacañang, bumati rin kay Imelda Marcos sina Dulce, ang Viva star na si Rose Van Ginkel, ang mag-asawang Isay Alvarez at Robert Robert Seña; at si Paolo Bediones, kasama si Avery, ang anak nila ng aktres na si Lara Morena.