Mainit na isyung pinag-uusapan ng mga residente ng lungsod ng Maynila ang balitang muling kakandidato bilang alkalde si Isko Moreno sa halalan sa Mayo 2025.
Kung totoong babalikan ni Isko ang dating puwesto niya, ang incumbent mayor na si Honey Lacuna, na bise-alkalde niya noon, ang kanyang mahigpit na makakalaban.
Read: Isko Moreno at Willie Revillame, magbago kaya ang isip na tumakbong senador sa 2025?
Sa pahayag na inilabas ni Lacuna noong Huwebes, Hulyo 18, 2024, tungkol sa napapabalitang mayoral bid ni Isko, sinabi niya, “In my heart, I am confident that we are both dedicated to serving the Manileños.
"Thus, I am giving my dear brother, former Mayor Isko Moreno Domagoso, time to reconsider his plans.
"He still has time to reflect on his decision.”
Si Isko ang isa sa mga panauhing pandangal sa opisyal na pagsisimula ng National Hopia Day na naganap sa Music Hall ng SM Mall of Asia sa Pasay City, nitong Biyernes ng hapon, Hulyo 19.
ISKO MORENO HINTING AT RUNNING FOR MAYOR
Sa personal na pakikipag-usap ng Cabinet Files, nagbigay si Isko ng pahayag tungkol kay Mayor Lacuna.
“Mahal ko iyon. Ate ko iyon," sabi ng politician-actor saka niya sinundan ng, “May awa ang Diyos.”
Sa kabila ng malakas na panawagang bumalik siya sa puwesto na kanyang iniwanan noong Mayo 2022, hindi itinanggi at lalong walang kinumpirma si Isko tungkol sa napapabalitang pagkandidato niyang mayor ng Maynila.
“Hindi ako nadadalas. Tagaroon ako, e,” natatawang reaksiyon ni Isko sa komentong madalas siyang nakikita sa Maynila dahil sa kanyang binabalak na pagkandidato at sa pagpapaunlak niya sa imbitasyon ni Gerie Chua ng Eng Bee Tin, ang organizer ng National Hopia Day.

Saad pa niya, “I am honored na despite na wala naman tayo sa service, natutuwa ako na yung mga local industry, local businessman, patuloy tayong iniimbitahan sa mga mahahalagang okasyon ng negosyo nila.
"I am happy and honored.I am humbled today.
“Malayo pa iyan [eleksiyon]. Basta steady lang tayo sa ged-li [gilid].”
Nang sabihin sa kanyang maraming hopia (o umaasa) sa Maynila na suportado ang pagkandidato niya, natawa si Isko.
Aniya, “Maraming hopia, hoping. Malayo pa naman iyan.
“Siyempre, ang gusto ko, ang tama lang, magtagumpay sa kanyang mga layunin para sa kanyang mamamayan.
“Basta ang masasabi ko lamang sa mga lolo at lola ko, nanay at tatay ko, yung mga paborito kong senior citizen, I love you.”
Ano ang hino-hopia niya para sa mga taga-Maynila?
Sagot ni Isko, “Sana talaga yung katanyagan, kapanatagan, at maayos na pamumuhay sa ating lungsod. It’s very important to every batang Maynila.”
Binigyan si Isko ng parangal ni Chua at ng pamilya nito dahil buong-buo ang suporta ng dating Manila mayor sa National Hopia Day.
Pero bago tinanggap ni Isko ang parangal na Golden Buddha, nagbigay siya ng maikling pananalita na tila pahiwatig niya sa mga mangyayari sa mga susunod na araw.
Mensahe niya: “Love you! Miss na miss ko na rin kayo. May awa ang Diyos, may awa ang Diyos.
“Today we are going to celebrate the many years of being the day for National Hopia.
"Sabi ko kay Gerie kanina, ‘Gerie, may awa ang Diyos. Someday, you will not celebrate National Hopia Day in Pasay. We will celebrate National Hopia Day in Manila, Binondo,'” sambit ni Isko, na indikasyon ng isang importanteng desisyong gagawin niya para sa kanyang political career.
Postscript: Ipinatikim kay Isko at sa lahat ng mga dumalo sa National Hopia Day ang exclusive new flavors ng hopia—hopia sisig, hopia mango, hopia sibuyas, hopia coffee, at hopia strawberry.
Malaki ang tsansang magkaroon ng hopia sisig na swak sa panlasa ng mga Pilipino. Sa survey na ginawa, ang naturang flavor ang nagustuhan ng nakararami.