GORGY RULA
Magkakaroon kaya ng salpukan sa 2025 elections ang tatlong TV hosts na sina dating Senator Tito Sotto, former Manila Mayor Isko Moreno, at Willie Revillame?
Ayon sa huling survey ng Octa Research, nasa top ten ang tatlo sa mga posibleng manalong senador.
Kasama rin sa lumabas sa survey ang iba pang showbiz personalities na sina Senator Bong Revilla Jr., Senator Lito Lapid, at Congressman Erwin Tulfo.
Sa aming pagkaalala, nagpahayag si Isko Moreno na hindi muna siya babalik ng pulitika nung isinasali pa siya sa dating Eat Bulaga! ng TAPE, Inc.
Ngayong naging Tahanang Pinakamasaya na ang title ng noontime show nila na napapanood sa GMA-7, tuluy-tuloy ang pag-iikot niya sa iba’t ibang lugar para sa kanyang "G sa Gedli" at ang bagong segment nilang "Games sa Gedli."
Laging pinagkakaguluhan si Yorme.
Kuwento nga ni Paolo Contis sa amin, nag-"G sa Gedli" sila sa Pagadian City nung Sabado, January 20, kung saan ipinagdiwang doon ang Pasalamat Festival. Dinagsa raw sila ng napakaraming tao at talagang pinagkakaguluhan sila.
Lalong napapalapit sa mga tao si Yorme.
Kaya ang tanong nga namin, hindi kaya magbago ng desisyon ang actor-politician at tatakbo na siyang senador sa 2025 elections?
Read: Isko Moreno "shaken but not disheartened" after EB was renamed Tahanang Pinakamasaya
Nung nakaraang 2022 elections ay tinanggihan ni Willie Revillame ang alok ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na sumali sa partido nila bilang senador.
Ang sabi ni Willie, nakakapag-abot siya ng tulong sa taumbayan sa pamamagitan ng programa niyang Wowowin. Hindi naman niya kailangang sumali sa pulitika.
Read: Willie Revillame announces he will not run for senator in 2022 elections
Pero ngayong wala pang linaw ang kanyang pagbabalik-telebisyon, posible kayang mabago rin ang desisyon at tatakbo na siyang senador sa taong 2025?
Nakausap namin si Congressman Sam Versoza sa mediacon ng CongressTV na ginanap sa Daniel Romualdez Hall ng House of Representatives nitong Lunes, January 23, 2024.
Tinanong namin siya kung may plano nga bang tumakbong senador si Kuya Wil. Malapit si Willie kay Cong. Sam, na siyang bumuo ng party-list nilang Tutok To Win.
Hindi pa naman daw nila napapag-uusapan ng TV host ang tungkol dito.
Ani Cong. Sam, “Alam niyo po, every election naman, nandun si Kuya Wil sa top ten sa survey. But, it’s up to him kung sa tingin niya it’s the time na pumasok sa pulitika at magsilbi na sa ating bayan, nasa sa kanya yun.
“Ang lagi naman namin napag-usapan ay nakapagsilbi naman siya sa ating mga kababayan, through his program.
"Dun nga kami nag-umpisa, e. Sa Wowowin Tutok To Win, tumutulong kami kahit wala kami dati sa posisyon.
“Ayun! Baka itutuluy-tuloy niya, kasi magsisimula na yung show niya this coming March. So, abangan ninyo just in case.”
Wala pang linaw kung saan magbabalik ang Wowowin ni Willie, dahil wala pang official na pahayag ang mga taga-PTV 4 at IBC 13 kung matutuloy na ba talaga sa dalawang istasyon ang naturang programa.
Read: 'Wowowin' ni Willie Revillame, malapit nang mapanood sa PTV-4 at IBC 13
Ang kaabang-abang ay kung maengganyo kaya sina Willie at Isko na tumakbong senador sa 2025, at kung babalikan din ni Tito Sen ang Senado at tatakbo na rin uli.
Pag nagkataon, nakini-kinita nang madadagdag sa Senado ang tatlong TV hosts pagkatapos ng 2025 elections.
JERRY OLEA
Ayon kay Cong. Sam Versoza, mas gusto ni Willie ng simpleng buhay at tuloy pa rin daw ito sa pagbibigay ng tulong kahit wala pa siyang programa.
Sa January 27 ay ipagdiriwang ni Willie ang kanyang 63rd birthday at wala raw siyang balak na magarbong selebrasyon.
Sabi ni Cong. Sam, “Nararamdaman niya yung kalagayan ng ating bansa. Maraming naghihirap, maraming nanghihingi ng tulong sa kanya.
“Kung isi-celebrate lang daw niya, ibibigay na lang daw niyang tulong sa mga kababayan natin.
“So, wala pa siyang pinaplanong selebrasyon. Kung meron man, siguro kakain lang kami nang simple sa bahay niya.
“Kasi nung Chistmas, nandun lang siya sa bahay, naka-rice and spam and egg lang kami kasama siya.”
Isa si Cong. Sam sa humarap sa media sa ginawang media conference ng CongressTV kasama si Speaker Martin Romualdez at ang mga kongesistang sina Richard Gomez, Rodge Gutierrez, Erwin Tulfo, at iba pa.
Nagsimula na kahapon, Enero 23, Martes, 9:00 a.m.-9:00 p.m., ang CongressTV kung saan napapanood nang live ang mga session ng mga kongresista.
Napapanood ito sa PTV digital Channel 14 sa Metro Manila, pati sa channel 46 ng GMA Affordabox, sa channel 2 ng ABS-CBN TV Plus, at sa social media accounts ng PTVph.
NOEL FERRER
Ipagdiriwang ng PTV Network ang ika-50 taon nito sa Pebrero.
Ayon sa general manager ng PTV na si Ana Puod, marami pa silang programa na nakalinya.
Balak i-revive ng PTV ang Concert at the Park, pero makabago na ang vibes nito.
Maliban sa mga palabas kaugnay sa Arts and Culture, isusulong din ng PTV Network ang e-sports. Nakatakdang ilunsad next week ang programa para sa mga naglalaro ng Mobile Legend or ML.
“Ang first leg nun, e, tournament, Mobile Legend. Pero ang lahat ng e-sports kung saan nananalo tayo ng gold, halimbawa sa SEA Games, isusulong natin,” sabi pa ni Ms. Ana.
“Pagkatapos natin ng ML, gagawa tayo ng DOTA, ng LOL, League of Legends. Lahat. Magra-run siya hanggang mga June.
“Ang ka-partner namin, yung Philippine E-Sports Organization. Government-sanctioned ito, e. Kasi talaga namang national sports na yung e-sports. “
So ibig sabihin, yung mga batang mananalo dito, hindi lang sila magkakaroon ng P1M. But they can vie sa national athlete’s spot.
“So puwede kang maging Atleta ng Bayan. Bibigyan ka ng allowance ng gobyerno.”
Andiyan pa rin daw ang pag-asam ng GM ng PTV na matuloy ang pagbabalik-TV ni Willie sa kanilang istasyon.
