Naglabas ng kanyang saloobin ang aktor na si Mark Anthony Fernandez tungkol sa hindi pa niya pagkakaroon ng acting award kahit ilang beses na siyang na-nominate noon.
Sa media conference ng bagong pelikula niya sa Vivamax, ang Package Deal, noong Sabado, Hulyo 20, 2024, tinanong ng Cabinet Files si Mark tungkol sa mga kontribusyon at tagumpay niya sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Read: Mark Anthony Fernandez, sobrang happy sa rave reviews ng Guwapings reunion movie
Pero sa halip na sagutin ang aming tanong, ang diumano’y pandaraya sa kanya ang ikinuwento niya dahil hindi siya nanalo noon ng mga acting award.
Halos tatlong dekada na ang nakararaan mula nang magkaroon ng mga acting nomination si Mark para pagganap niya sa mga pelikulang Matimbang Pa Sa Dugo (1994) at Mangarap Ka (1995).
Pero hindi siya nagwagi kaya dinaya ang kanyang pakiramdam.

MARK ANTHONY FERNANDEZ: "FEELING KO NADAYA AKO..."
“I-report ko sa inyo, ha?” sabi ni Mark sa Cabinet Files.
“Feeling ko nadaya ako wayback. Ang daming beses ko nang na-nominate na best actor pero hindi pa ako nananalo.
"Ang napalunan ko lang, Guillermo Mendoza Memorial award, dalawang beses. Tapos isang best stunt award.
“Ang dami ko nang entry for best actor, best supporting actor, kahit sa ngayon hindi pa ako nananalo.
“Kung hindi man ako dinaya, baka gusto ninyo akong bigyan ng feedback kung bakit ako natalo?
"Ang dami ko nang entry, hindi pa ako nananalo."
Dagdag pa ng aktor, “Puwede ko naman ayusin yon para manalo. Ni walang nagsabi sa akin, nag-iinuman naman tayo, nagpa-party tayo, ‘O natalo ka dahil nakulangan ako sa [acting] mo sa sequence na ito.’
“Walang ganoon.”
Read: Mark Anthony Fernandez, tunay o peke ang ipinakita sa frontal nudity sa Scorpio Nights 3?
Kasunod nito ay nilinaw ni Mark na wala siyang sama ng loob laban sa movie industry, pero buo talaga ang kanyang paniniwalang dapat nagwagi siya noon ng acting award.
“Feeling ko, dapat nanalo ako ng isa sa Mangarap Ka o best supporting actor sa Matimbang Pa sa Dugo.
"Lahat ng category, na-nominate ako, at feeling ko dapat nanalo ako for the heck of it.
“Kaso, nalampasan ako. Yung isang nanalo si Kuya Richard Gomez. Okay naman siya sa Wating.
"Pero yung ibang kalaban, na-bypass ako. Yung spirit ko noong time na yon, naging broken. Pero naayos naman,” lahad ni Mark.
Sa kabila ng mga matitinding pagsubok na pinagdaanan ni Mark, hindi pa rin kumukupas ang kanyang husay bilang aktor kaya may pagkakataon pa siya para muling magkaroon ng mga acting nomination.
Ang pagkakaiba lang, hindi na uso ang dayaan noon sa ibang award-giving bodies na tinutukoy ni Mark. Mas umiiral na ngayon ang bilihan ng mga parangal na tiyak na lalong hindi niya magugustuhan at kukunsintihin.
Read: Mark Anthony Fernandez inalala ang pagtira sa musoleo ng amang si Rudy Fernandez