Gaya ni Sandro Muhlach, contract star si Ahron Villena ng Sparkle GMA Artist Center, ang talent management arm ng GMA Network.
Ito ang pangunahing dahilan kaya nagkaroon ng panayam si Ahron, kasama ang kapwa niya Sparkle artist na si Luke Conde, sa Fast Talk with Boy Abunda noong Marso 21, 2024.
Sa interbyu sa kanya ni Boy Abunda, isiniwalat ni Ahron na naging biktima siya ng exploitation. Pero tumanggi siyang pangalanan ang taong tinutukoy niya.
Read: Ahron Villena, isiniwalat na naging biktima siya ng exploitation
Ikinuwento ni Ahron na nangyari ang kanyang karanasan sa shooting ng isang pelikula.
Lahad niya: “During a movie, yung plaster, kailangan kong mag-plaster, and then cameo role lang ako sa movie na yon.
“Tapos hinanap ako and then, pagpasok niya, sabi niya, ‘O bakit sila naglalagay niyan? Ako na maglalagay niyan.’
“Sabi ko, 'O sige po,' tapos feel ko parang may something, pero hindi ako umangal.
"I was too young and siyempre, kumbaga, sa industry natin baka sabihin, 'Ang arte naman ni Ahron.'"
Nanindigan si Ahron na huwag sabihin ang pangalan ng taong sangkot, kahit nang tanungin siya ng Cabinet Files pagkatapos ng guesting nila ni Luke sa Fast Talk with Boy Abunda.
REKINDLED ISSUE
Noong Marso 21, 2024, naglabas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng report tungkol sa exploitation na sabi ni Ahron ay naranasan niya.
Muli itong napagtutuunan ng pansin dahil sa kontrobersiyal na social media post ni Ahron noong Linggo, Agosto 25, 2024, na nag-udyok sa mga tao para muling panoorin sa YouTube ang interbyu sa kanya ni Boy sa programa nito.
Walang binanggit na pangalan si Ahron sa intriguing social media post niya, pero may mga kumbinsido, gaya ng kaaway nitong direktor na si Darryl Yap, na para sa direktor na si Joel Lamangan ang kanyang mensaheng pinagpipistahan.
Read: Did Ahron Villena take a swipe at director Joel Lamangan?
Nagkataon namang matapos ng pahayag ng Sparkle contact star tungkol sa naging personal na karanasan ay ininterbyu ng PEP Troika ang premyado at beteranong direktor tungkol sa mga reklamo ng sexual abuse sa entertainment industry.
Mainit na isyu ngayon sa showbiz ang mga reklamo ng sexual harassment sa mga kalalakihan, na inumpisahan ni Sandro at sinundan ng male news researcher ng TV5, kaya nakuha rin ni Ahron ang atensiyon ng publiko.