Kabilang ang action-drama star na si Phillip Salvador sa naghain ng kandidatura para sa 2025 elections nitong Huwebes, Oktubre 3, 2024.
Kakandidato si Phillip bilang senador sa midterm elections na gaganapin sa Mayo 12, 2025.
Read: Phillip Salvador to run for senator in 2025
Ayon sa award-winning actor, ang mga mahihirap na kababayan nating nakakahalubilo niya sa maraming lugar na kanyang pinupuntahan ang humimok na kumandidato siya.
Saad ni Phillip: “Ang mga hopeless and the hopeless po ang nagsasabi sa akin na tumakbo akong senador. Yun po ang nagpapalakas ng loob ko.
“Una, ang ating Panginoong Diyos. Pangalawa, ang ating mga tao.
"So, if ever po, kung anuman po ang mangyari, I will run as a senator, I will join the race and I will finish my race whether I win or lose.”
Kasabay ni Phillip na nagsumite ng certificate of candidacy ang re-electionist senators na sina Bong Go at Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ang tatlo ay kilalang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

WILLIE ONG FOR SENATOR
Tinupad naman ni Dr. Willie Ong ang binitiwan nitong salita na kakandidato siyang senador, sa kabila ng mabigat na karamdamang abdominal cancer.
Ang asawa niyang si Dra. Liza Ong ang naghain ng kanyang certificate of candidacy.
Si Dr. Wilie ay kasalukuyang nasa Singapore, kung saan sumasailalim siya sa treatment.
Read: Dr. Willie Ong gustong maging "martir" kaya tatakbong senador
LINO CAYETANO
Muli namang kakandidatong congressman ang direktor na si Lino Cayetano.
Pinili nitong tumakbo sa unang distrito ng Taguig-Pateros.
Unang naglingkod si Cayetano bilang house representative ng ikalawang distrito ng Taguig City mula 2013 hanggang 2016.
Nagsilbi rin siyang alkalde ng naturang siyudad noong 2019 hanggang 2022.
Si Lino ay nakababatang kapatid ng mga senador na sina Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano.

BRIAN POE AND MICHAEL PACQUIAO
Dalawang anak ng prominenteng personalidad at senador ang naghain din ng knilang certificate of candidacy: sina Brian Poe Llamanzares at Michael Pacquiao.
Si Brian, anak ni Senator Grace Poe, ang first nominee ng FPJ Panday Bayanihan party-list.
Hango ang bagong prty-list na ito sa pangalan ng lolo ni Brian, ang yumaong King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr.
Si Michael, anak ng Pambansang Kamao at dating senador na si Manny Pacquiao, ay tatakbong konsehal sa General Santos City.

YUL SERVO AND WILBERT TOLENTINO
Nagsumite na rin ng kanyang ceritificate of candidacy ang aktor na si Yul Servo para sa ikalawang termino niya bilang vice-mayor ng Maynila.
Ka-tandem niya si incumbent mayor Honey Lacuña.

Nag-aambisyon naman ang talent manager at vlogger na si Wilbert Tolentino na maging representative bilang first nominee ng Ahon Mahirap party-list.
