Time out muna si Angelu de Leon sa pagganap kay Carmela, ang kinamumuhiang karakter niya sa Pulang Araw ng GMA-7.
Naghain siya ng certificate of candidacy ngayong Biyernes, Oktubre 4, 2024.
Muling tatakbo si Angelu bilang konsehal sa ikalawang distrito ng Pasig City matapos mahalal na topnotcher councilor sa eleksyon noong Mayo 2022.
Kabilang siya sa Giting ng Pasig, ang team ni incumbent mayor Vico Sotto.
Read: Angelu de Leon, sinagot ang batikos sa pamimigay ng gulay
Sinabi ni Angelu sa panayam sa kanya ng media, “Malapit na tayo sa exciting part patungo sa tuluy-tuloy na pag-agos ng pag-asa dito sa Pasig.
“Nakikiusap ho ako ulit, kung bibigyan ninyo ng pagkakataon na magsilbi uli sa inyo.
"Sabi ko nga, sana bigyan ninyo ako ulit ng pagkakataon na maging T.G.I.S. [Tapat na paggo-gobyerno at Gagawa na may pagmamahal ng isang Ina at layunin na magbigay ng magandang Serbisyo para sa mga Pasigueño].”
T.G.I.S. ang title ng youth-oriented show na kinabibilangan ni Angelu noong '90s.
YEOJ MARQUEZ
Kakandidato namang konsehal ng District 1 ng Parañaque City si Yeoj Marquez, ang anak nina Alma Moreno at Joey Marquez.
Kasama ni Yeoj ang kanyang ina nang maghain siya ng certificate of candidacy noong Huwebes, Oktubre 3, 2024.
CAMILLE VILLAR
Tuloy na tuloy rin ang pagtakbo bilang senador ng former TV host at ng businesswoman na si Camille Villar.
Sinamahan si Camille sa paghahain ng kandidatura ng kanyang amang si Manny Villar at kapatid na si Mark Villar.
Kung papalaring manalo, si Camille ang hahalili sa puwestong mababakante ng kanyang inang si Senator Cynthia Villar, na nasa ikatlong termino na nito bilang senador.
Makakasama rin niya sa senado kung saka-sakali si Mark.
Kasado na ang mga TV guesting ni Camille para maipakilala niya nang husto sa publiko ang sarili, bagamat kilala na ng maraming Pilipino ang mga Villar bilang political dynasty at pinakamayang pamilya sa Pilipinas.
Si Camille ang isa sa 70 kongresista na bumoto ng "Yes" para ibasura ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Read: Congress junks ABS-CBN franchise renewal
DODO MANDANAS VS LUIS MANZANO
Tatakbong bise-gobernador ng lalawigan ng Batangas si incumbent Batangas Governor Hermilando "Dodo" Mandanas.
Siya ang mahigpit na makakalaban ni Luis Manzano para sa bise-gobernador
Naging maingay ang pangalan ni Mandanas noong Mayo 2024 nang pakasalan niya ang kanyang asawang si Atty. Angelica Chua.
Pinagpistahan ng publiko ang kanilang love story dahil sa mahigit na limampung taon na agwat ng mga edad nila.
Read: 80-year-old Batangas governor marries 32-year-old lawyer
MARK LEVISTE WITHDRAWS FROM GUBERNATORIAL RACE
Umatras naman si Batangas vice-governor Mark Leviste sa plano nitong tumakbong gobernador ng kanilang lalawigan sa midterm elections sa Mayo 2025.
Pinairal niya ang mataas na respeto, katapatan, at pagmamahal sa Star for All Seasons na si Vilma Santos-Recto na kakandidato muli bilang Batangas governor.
Sa halip, tatakbo si Leviste na house representative ng District 3 ng Batangas.
Kahit naudlot ang relasyon nila ni Kris Aquino, umaasa siyang susuportahan ng dating TV host ang kanyang kandidatura.

ALICE GUO REELECTION BID
Inanunsiyo ng legal counsel ni Guo Huaping aka Alice Guo na muli itong kakandidatong mayor ng Bamban, Tarlac.
Ito ay matapos siyang tanggalin sa puwesto dahil sa akusasyong espiya siya ng mga Intsik at may koneksiyon sa mga illegal na POGO.
Sinabi ni Atty. Stephen David na maghahain si Guo Huaping ng CoC sa darating na linggo sa pamamagitan ng isang kinatawan dahil kasalukuyang nakabilanggo ang ex-mayor ng Bamban, Tarlac.
Read: Alice Guo, mistulang artista matapos maaresto sa Indonesia

MORE CELEBS TO FILE COC
Tiyak na madaragdagan pa ang mga kilalang personalidad na magsusumite ng kanilang certificates of candidacy sa mga susunod na araw, lalo na sa Oktubre 7 at Oktubre 8 dahil sa paniniwalang masuwerte ang mga numerong pito at walo.
Mag-aanunsiyo si Isko Moreno ng kanyang mayoralty bid sa Maynila sa Oktubre 7, kasama ang running-mate niyang si Chi Atienza.
Magdedeklara rin ng kandidatura si former Ilocos Sur Governor Luis “Chavit" Singson na tatakbong senador, at si Abby Viduya aka Priscilla Almeda na may ihahayag tungkol sa mga plano niya para sa Parañaque City.