Nakatakda ang cremation sa mga labi ng Queen of Philippine Cinema na si Gloria Romero bukas, Miyerkules, Enero 29, 2025.
Binawian ng buhay si Gloria, sa edad na 91, noong Enero 25.
Read: Legendary actress Gloria Romero dies at 91
Ilalagak ang cremated remains ni Gloria sa columbarium ng Mt. Carmel Shrine sa New Manila, Quezon City.
Dito rin nakalagak ang abo ng kanyang asawa, ang aktor na si Juancho Gutierrez.

GLORIA AND JUANCHO: TILL DEATH DO US PART
Ikinasal sina Gloria at Juancho sa Santuario de San Antonio, Forbes Park, Makati City, noong Setyembre 24, 1960.
Tinaguriang "Wedding of the Year" ang kanilang pag-iisang dibdib dahil sila ang mga pinakasikat na artista noon at dahil sa pagdalo ng mga kilalang personalidad.

Biniyayaan ng isang anak ang dalawa, si Maritess Gutierrez.
Pero makalipas ang labindalawang taon ng pagsasama bilang mag-asawa, naghiwalay sina Gloria at Juancho.
Nagkabalikan ang dalawa noong 2000 nang magkaroon ng karamdaman si Juancho.
Si Gloria ang nag-alaga sa asawa nito hanggang sa bawian ng buhay ang aktor noong Oktubre 2, 2005.
Sa pagpanaw ni Gloria, muli silang magkakabuklod ni Juancho sa columbary na malapit sa tahanan nila sa New Manila, Quezon City.
Read: Farewell: Juancho Gutierrez
BOOTS ANSON ROA-RODRIGO REMEMBERS GLORIA ROMERO
Isa ang veteran actress na si Boots Anson Roa-Rodrigo sa mga malalapit na kaibigan ni Gloria.
Pinatotohanan niya ang kagandahan at kabutihan ng kalooban ng namayapang movie queen.
Pinaunlakan ni Boots ang imbitasyon ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, Enero 28, para sa parangal sa mga alaala ni Gloria.

Isinalaysay ni Boots na nakilala niya si Gloria noong 1952 dahil si Gloria ang kapareha ng ama ni Boots na si Oscar Moreno sa pelikula ng Sampaguita Pictures na Monghita.
Read: Vilma Santos pays tribute to late veteran actress Gloria Romero

Ang pagsasama nila ni Gloria sa pictorial para sa isang print ad ang isa sa mga hindi malilimutang karanasan ni Boots.
Pagbabalik-tanaw ng veteran actress: “A couple of years back, gumawa kami ng isang commercial, print ito for a wellness product.
"Nagulat ako kay Tita Glo kasi game na game siya, naka-rugged outfit. Pareho kami na out of the box ang characterization.
“She was so game tapos meron kaming yoga poses... kayang-kaya niya. And she was ten years older than me. Nagulat ako.
"Saka napaka-professional up to that time and then walang reklamo kahit na puyat. Wala, wala talagang reklamo.”
Puring-puri rin ni Boots ang kagandahan, kabutihan ng ugali, at talento ni Gloria sa pag-arte — bida o kontrabida man ang karakter na ginagampanan nito.
Read: Gloria's daughter and grandson recount last moments with actress

Saad niya: “Talagang perfect yung beauty niya, whether you take the face as a whole...
"Pero para sa akin, it was because of her interior life. It was the inner glow that radiated sa labas.
“Minsan, iniisip natin, para maging magaling kang artista, you have to have some rage in you.
"Eto, parang siguro kahit papatay na siya ng tao, sasabihin pa niya [sa malumanay na boses], ‘Darling, papatayin kita.’
"Pero meron pala siyang inner rage na kapag kailangan ilabas, ilalabas.
“Yung medyo kontrabida siya o medyo galit na kailangan ilabas, lalabas talaga.”
Read: Megastar Sharon Cuneta mourns death of movie queen Gloria Romero