Ginunita ng mga miyembro ng Universal Motion Dancers (UMD) ang ika-tatlumpong (30) anibersaryo mula nang itatag ang kanilang grupo noong Pebrero 10, 1990.
Pero malungkot ang reunion nila dahil nangyari ito sa burol ng kanilang kasamahan at kaibigan na si Norman Montibon, aka Norman Santos.
Read: Universal Motion Dancers member Norman Santos dies at 52
Naganap ang pagsasama-sama muli ng UMD members sa unang gabi ng lamay para sa mga labi ni Norman, sa St. Peter’s Chapel, Tabacuhan, Olongapo City, noong Martes, Pebrero 11, 2025.
Walo ang original members ang UMD: sina Wowie de Guzman, Brian Furlow, Marco McKinley, Gerry Oliva, Gerard Fainsan, Norman Santos, at ang kambal na sina James at Jim Salas.

Pumanaw si Gerard noong Disyembre 1997.
Si Brian naman ay naninirahan na sa ibang bansa.
Kaya sina Wowie, Gerry, Marco, Jim, at James ang nagpunta sa Olongapo City para personal na makiramay sa mga naulila ni Norman, at masilayan ang kanilang sumakabilang-buhay na kaibigan.
Read: Galawang '90s: top local dance groups reunite for benefit concert
UMD MEMBERS MOURN THE PASSING OF NORMAN
Pumanaw si Norman, sa edad na 52, noong Pebrero 3.
Nagkaroon si Norman ng karamdaman sa kidney na dahilan para sumailalim siya sa labindalawang taong dialysis treatment.
Labis na ipinagluluksa ng UMD members ang pagkawala ni Norman.
Sa pagpapaalam sa kanya ni Marco, na isa nang dance instructor, sinabi nito: “Pahinga na, Norman, paalam sa yo. Medyo wala akong masabi. We miss you, I love you. Paalam, RIP.”
Read: Wowie de Guzman: From UMD's lead dancer to Zumba instructor

NORMAN'S PARTNER CHATO MARIA
Naulila ni Norman ang kanyang partner na si Chato Maria.
Ayon kay Chato, naging inspirasyon niya ang malakas na determinasyon ng namayapang dancer, singer, at aktor.

“Si Norman yung taong hindi susuko hangga’t kaya niya.
"Yung determination niya na mabuhay nang matagal is what inspired me.
“Sabi ko pa nga, 'Wow, grabe ha?' Kasi kung iba yan, nag-give up na, pero hindi siya.
"Kaya siya na rin ang isa sa mga naging motivation ko, lakas ko, kahit maraming pagsubok na dumating, lumalaban pa rin.
“And that is why I fell in love with him kasi sa kanya ko rin na-feel ang totoong pagmamahal,” sabi ni Chato na nahihirapan pa ring tanggapin ang pagpanaw ni Norman.