Inamin ng comedienne na si Candy Pangilinan na kinatatakutan niyang mamatay nang maaga dahil maiiwan ang kanyang 21-year-old son na si Quentin.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na may mga espesyal na pangangailangan ang nag-iisang anak ni Candy.
Read: Candy Pangilinan hopes son Quentin will achieve his dream: "Maging sakristan."
Ibinahagi ni Candy ang kanyang pangangamba nang humarap siya sa media conference ng pelikulang Un-Ex You ngayong Miyerkules, Marso 12, 2025.
Bida sa pelikula na magbubukas sa mga sinehan sa Abril 9 ang engaged couple na sina Kim Molina at Jerald Napoles.
Saad ni Candy: "Ang kinatatakutan ko, yung mamatay na po.
"Kasi kapag namatay ako, hindi ko alam kung kakayanin niyang mag-isa, at this point.
"So, hindi ako puwedeng mamatay ngayon o bukas kaagad.
“Siguro kailangan pa ako humaba-haba nang konti pa yung buhay ko."

Dagdag ng single mother: "Yun ang dasal ko, saka magtrabaho at mag-ipon para sa anak ko.
“Yung maka-establish ako ng something for him that will sustain him kapag nawala ako.
"Yun ang kinatatakutan ko dahil yung mga batang katulad nila, dahil hindi sila independently functional, madali rin silang utuin, kausapin.
“Lahat ibibigay nila because they have such innocent hearts and, you know, they just want friends.
"Parati nga silang ganoon, gusto nila ng kaibigan.
“So, yun lang ang takot ko."
Sinabi rin ni Candy na malaki ang pasasalamat niya sa pagdating ng anak sa kanyang buhay.
"Pero on the other hand, kung bubuksan mo talaga yung puso ko, meron akong gratefulness sa anak ko, yung pagpapasalamat.
"Dahil kung wala po si Quentin, hindi ninyo po mababago yung Candy. Hindi po ako ngayon ito.
"Hindi ko matatahak itong journey na ito at mare-realize kung gaano po tayo lahat kasuwerte because we have so many things that we take for granted.
“Na, we are so blessed in so many ways. Na-simplify po niya ang buhay ko.”
Read: Filipino celebrities who have opened up about raising special children
CANDY PANGILINAN ON REMAINING SINGLE
Matagal nang hindi nakikipagrelasyon si Candy dahil umiikot kay Quentin ang buhay niya, kahit may mga nanliligaw raw sa kanya.
Pero paglilinaw ni Candy, hindi “by choice” ang kanyang desisyong huwag munang magmahal.
“Hindi ko sinasabi na by choice na, 'Sige ho, gusto kong maging single talaga.'
"Siguro, wala pa talagang dumarating na kikiligin ako katulad ng dalawang ito [Kim at Jerald].
“Na tatanggapin yung anak ko, kasama yung responsibilidad. Mahirap yun, e.
"Aminado naman ako kasi buy one take po ako," sabi ni Candy.
May paliwanag ang comedienne tungkol sa kanyang "buy-one-take-one" statement.
Aniya: “Iba na ngayon kapag buy one take one.
"Buy one take one with responsibility and accountability.
"Siyempre, iba din yon. Bonus na po yun, ipinagdarasal na lang po."
Isang karelasyong aalagaan siya ang hinahanap ni Candy dahil sa pagod na kanyang nararamdaman.
“Yung aalagaan naman ako. Napapagod ho kasi ako," sabi niya.
"Saka gusto ko sana yung puwede akong magpahinga.
"Yung hindi naman ako magpapakain. Siya naman ang magpakain sa akin.
"Hindi naman ako naghahanap ng mayamang-mayaman. Gusto ko lang ho masipag."
Read: Candy Pangilinan on how she knew ex-husband cheated on her: "Kasi totoong hindi ko bra yun."