Sina Pops Fernandez, Nadine Lustre, Arthur Nery, at Janno Gibbs ang mga bagong panelist sa Season 3 ng Masked Singer Pilipinas na muling mapapanood sa TV5 simula sa Mayo 17, 2025.
Mananatili si Billy Crawford bilang host ng Masked Singer Pilipinas, na huling natunghayan sa Kapatid Network noong Hunyo 18, 2022.
Si Arthur ang third runner-up sa Season 2 ng reality competition program ng Viva Television at TV5. Pero makalipas ang tatlong taon, isa na siya sa mga panelist.
Read: Kris Lawrence, Masked Singer Pilipinas Season 2 grand champion
Ang Masked Singer Pilipinas ang Philippine adaptation ng sikat na Korean show na may pamagat na King of Mask Singer.
Labing-anim na Filipino celebrities ang kalahok sa Season 3 ng Masked Singer Pilipinas, pero lihim na lihim ang kanilang mga pagkatao kaya nakasuot sila ng mga maskara at iba’t ibang costume.
Ibubulgar lamang ang kanilang katauhan sa elimination road at kapag nag-alis na sila ng mga suot na maskara.
Sina Aga Muhlach, Bayani Agbayani, Cristine Reyes, Matteo Guidicelli, at Kim Molina ang mga panelist ng Season 1 at Season 2 ng programa.
Read: Bayani Agbayani, "siniraan" ang kasamang judges at host sa Masked Singer Pilipinas
CHANGE OF PANELISTS
Nakatakdang ipakilala ngayong Martes ng hapon, Abril 29, 2025, sina Pops, Nadine, Arthur, at Janno bilang mga bagong panelist ng Masked Singer Pilipinas.
Inaasahang sasagutin ng network management ang desisyon nilang palitan ang mga dating panelist ng magbabalik-telebisyon na programa.
Ang Season 3 ng Masked Singer Pilipinas ang isa sa mga programang mapapanood sa TV5 sa darating na Mayo.
Nauna nang inilunsad ang Totoy Bato, ang action-drama series na pinagbibidahan ni Kiko Estrada.
Susunod ang celebrity edition ng Sing Galing at ang Vibe, ang Sunday morning variety show na tatampukan ng mga contract star ng Kapatid Network.
Mula ito sa direksiyon ni Johnny Manahan.
Read: Kiko Estrada, bibida bilang Totoy Bato; naalala si Paquito Diaz