Inilibing na ang mga labi ng OPM icon na si Freddie Aguilar ilang oras matapos siyang bawian ng buhay nitong Martes, Mayo 27, 2025.
Ito ay alinsunod sa relihiyon ni Freddie na Islam.
Nagpa-convert sa Islam si Freddie noong 2013 nang pakasalan niya ang kanyang noo’y 16-year-old girlfriend na si Jovie Albao.
Ang Islam name na ginamit ni Freddie ay Abdul Fareed, na noo'y 60 years old.
ISLAMIC BURIAL
Sa Islamic burial, pinaliliguan ang bangkay bago balutin ng simpleng puting tela. Simbolo ito ng paggalang sa dignidad at pribadong buhay ng nasawi.
Ganito ang ginawa sa mang-aawit na pumanaw sa edad na 72 dahil sa multiple organ failure.
Importante sa Islam na ilibing sa loob ng 24 oras ang namatay kaya agad na inihatid ang mga labi ni Freddie sa huling hantungan nito sa Manila Islamic Cemetery.
Read: OPM icon Freddie Aguilar dead at 72
Si Datu Johnny Guiling ng Muntinlupa City Muslim Affairs Office ang nanguna at namahala sa paglilibing kay Freddie.
Ibinahagi ni Guiling sa kanyang Facebook page ang video ng paghahatid sa mga labi ni Freddie sa puntod nito.
Naglabas din ang Muslim Filipino Ngayon ng detalye tungkol sa pag-aayos sa mga labi ni Freddie, na nakabalot lamang sa puting tela (kafan) at walang kabaong, gaya ng itinuro sa Islam.
Inilibing si Freddie matapos gawin ang lahat ng mga kinakailangang Islamic rites — ang paghuhugas (ghusl), pagbabalot, at pagdarasal para sa kaluluwa niya (Salat al-Janazah).
Read: OPM singers pay tribute to Freddie Aguilar
Nagpasalamat ang Muntinlupa City Muslim Affairs Office sa lahat ng mga tumulong para mailibing si Freddie.
Nakasaad sa kanilang post: “Sa tulong ng agarang koordinasyon ni Brother Delfen 'Amla Omar' Gayatao Jr., National President ng Balik-Islam Consultative Assembly, Inc at sa kanilang pagtutulungan kasama ang Manila Islamic South Cemetery Dir. Arshad Musa at Solemnizing Officer - Imam Termizie Jawali, naisagawa ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maisaayos ang mahinahong at marangal na paglilibing sa yumaong kapatid.
“Malaking bagay ang patuloy na suporta ng ating mahal na Mayor Ruffy Biazon sa ating tanggapan para sa kapakanan ng ating mga kapatid na Muslim.
“Inna lillahi wa inna ilayhi raji'un (Katotohanang tayo ay nagmula kay Allah at sa Kanya rin tayo babalik) — Islamikong pananalita na karaniwang sinasabi kapag may pumanaw.”
Si Freddie ang pang-apat na OPM icon na binawian ng buhay ngayong 2025.
Una ang Asia’s Queen of Songs na si Pilita Corrales noong Abril 12.
Sumunod ang Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor noong Abril 16.
Pangatlo si Hajji Alejandro noong Abril 21.
Related Stories: