Nasa planning stage na ang pictorial para sa reenactment ng 2003 FHM Philippines Calendar nina Aubrey Miles, Maui Taylor, at Diana Zubiri.

Ang FHM calendar ng tatlong sex symbols ang pinakamalakas noong 2003 dahil sa mga isyu na kinasasangkutan nila.
Contract artist si Aubrey ng Regal Films, si Maui ang pambato ng Viva Films, at si Diana ang upcoming star noon ng Seiko Films.
Dalawampu’t tatlong taon na ang nakararaan buhat nang mangyari ang pictorial ng tatlo para sa 2003 FHM calendar sa Panglao, Bohol noong Setyembre 16, 2002.
Read: FHM 2003 calendar girls Aubrey, Diana, at Maui nag-reunion
Nagkaroon sila ng presscon at calendar launch noong Oktubre 28 sa Aresi restaurant, Quezon City, at kinabukasan, Oktubre 29, ang kontrobersyal na hitchhiker photo shoot ni Diana sa flyover ng Shaw Boulevard at EDSA.
Hindi original ang hitchhiker concept pictorial ni Diana dahil unang ginawa ito ni Aubrey sa photo shoot nito sa Bohol para sa 2003 FHM Calendar.
Pero unreleased ang hitchhiker picture ni Aubrey dahil hindi ito nagustuhan at inapurbahan ng kanyang manager noon na si Dondon Monteverde.

Si Diana, na mina-manage namin noon, ang cover girl ng December 2003 ng FHM at sa meeting namin sa former FHM editor-in-chief na si Eric Ramos noong Oktubre 23, 2002, sa isang restaurant, nabanggit niya na hindi pumayag si Dondon na gamitin sa kalendaryo ang hitchhiker photo ni Aubrey.
Hiniling namin kay Eric na gamitin na lamang para sa FHM cover pictorial ni Diana ang hitchhiker pose concept na aming nagustuhan at tinutulan ni Dondon.
Pero sinabi ni Eric na wala nang panahon para bumalik sa Bohol dahil naka-schedule ang pictorial sa Oktubre 29, 2002.
Kami ang nag-suggest na gawin ang pictorial sa Doña Julia Vargas St., malapit sa Megamall na nasasakupan ng Mandaluyong City, at tutulong kami sa pagkuha ng permit mula sa opisina ng dating mayor noon na si Benjamin Abalos Jr.
Hindi natuloy ang pictorial sa Doña Julia Vargas St. dahil tiyak na maraming tao ang manonood at makakaabala na maaaring lumikha ng trapik, kaya inirekomenda ng photographer na si Xander Angeles na ilipat ang photo shoot sa flyover ng Shaw Boulevard.
Kasama si Eric, nagpunta kami sa opisina ni Mayor Abalos sa Mandaluyong City Hall at nagbigay siya ng permiso, kasunod ang bilin na huwag pagsuotin si Diana ng sexy outfit dahil malapit ang flyover sa Archbishop Palace.
Pumayag si Diana na gawin ang pictorial, kapalit ang 7650 Nokia phone na current trend noon dahil may built-in camera.
Naganap ang mabilisang pictorial sa flyover sa harap ng Shangri-La Mall Plaza noong Oktubre 29, Martes nang hapon, at kinagabihan, ipinalabas ito sa TV Patrol, sa ulat ni Mario Dumaual.
Napanood ni Mayor Abalos ang report ni Mario sa primetime news program ng ABS-CBN, nagalit siya, at nagpasya na sampahan ng kaso na grave scandal si Diana at ang pamunuan ng FHM Philippines.

The rest is history.
Noong Enero 24, 2003, iniurong ni Abalos ang demanda laban kay Diana at sa FHM matapos humingi ng public apology ang aktres.
Pero mula noong 2002 hanggang ngayon, hindi pa nagkikita at nagkakakilala nang personal sina Diana at Abalos.