Isang malutong na mura ang pinakawalan ni Manila Mayor Isko Moreno laban sa "mga congressman" nang bumisita siya sa lugar na dating kinaroroonan ng satellite offices ng Manila City Hall sa Barangay 334 sa Sta. Cruz, Manila.
Si Isko ang karagdagan sa listahan ng mga alkalde — na kinabibilangan nina Pasig City Mayor Vico Sotto at Baguio City Mayor Benjamin Magalong — na may mainit na pahayag tungkol sa mga kongresista at contractors na sangkot umano sa maanomalyang flood control projects kaya nagkakaroon ng malalim at malawak na pagbaha sa maraming lugar sa bansa sa tuwing bumubuhos ang ulan.
Related Stories:
- Benjamin Magalong, may sagot sa pasaring ni Richard Gomez
- Mayor Vico Sotto calls out broadcast journalists over old Discaya interviews
ISKO MORENO challenges CONGRESSMAN CHUA
Uminit ang ulo ni Isko nang puntahan niya ang Barangay 334 noong Huwebes, Agosto 21, 2025.
Ito ay dahil wala na ang daycare center, covered court, at opisina ng senior citizens na giniba para sa proyekto ng isang congressman bagamat wala umanong permiso ng pamahalaan ng lungsod.
Kasama ni Isko na pumunta sa lugar ang ilang vloggers kaya nakunan ng video ang eksena ng galit na galit na alkalde ng Maynila.
Maririnig na sabi ni Isko: “P*t*ng*n*, bakit ito nangyayari na hindi ninyo inaano sa akin?
“Lahat ito kumpiskahin ninyo, ha? Walang permiso yan.
"Property ito ng city. I-penalize ninyo lahat ng mga gamit nila dito.
“Ano, hindi na ako matutulog? Wala na talagang gobyerno, kanya-kanya na lang?"
Si Manila Third District Representative Joel Chua ang congressman na tinutukoy ni Isko dahil ang pangalan nito ang binanggit ng alkalde sa panayam sa kanya ng mga kasamang vloggers.
Saad ng Manila mayor: “Tinanong ko ang taumbayan, ang chairman. Ang sabi, project daw ni Congressman Joel Chua. Paano nangyari yon?
“Walang permit. Paano nangyaring nagiba nila yung property ng City of Manila?
"Saan napunta yung property, yung mga bakal? Pag-aari yon ng lungsod.
"May pananagutan pa yon sa CGSO [City General Services Office]. Tapos biglang tatanggalin nila yung mga daycare center at saka senior citizens office ng City Government of Manila."
Hamon pa ni Isko sa kongresista: "O ngayon, I challenge Congressman Joel Chua to investigate himself.
"Sinabi ko na sa inyo, e, may gobyerno sa lungsod ng Maynila and it is called City Government of Manila, not City of Congress of Manila.
“Sa totoo lang. O ngayon, ipinapaaresto ko lahat yung mga tao doon at kinukumpiska namin yung mga gamit.
“And now, we’re doing what we need to do. Tingnan natin kung may masampolan.
“Yan ang dahilan kung bakit ako nalulungkot. Hindi pa nadala itong mga congressman.
"Iniimbestigahan na sila ni Presidente. Nagka-leche-leche ang flood control sa buong Pilipinas sa pakikialam ng mga congressman.”
Read: Korina Sanchez camp slams Mayor Vico Sotto's "slanderous" FB post
CONGRESSMAN CHUA ANSWERS MAYOR ISKO'S ALLEGATION
Hindi naman pinalampas ni Congressman Chua ang mga paratang ni Mayor Isko laban sa kanya.
Ngayong Biyernes, Agosto 22, inilabas niya ang kanyang panig sa pamamagitan ng Facebook.
Tahasang sinabi ni Chua na isang matinong proyekto para sa mga tao ang Sentro Komunidad de Santa Cruz na hindi dapat sirain para lang umano magpasikat at gawin na vlog content.
Saad ng kongresista sa kanyang post: “Aakalain mong may shooting ng pelikula kahapon sa Santa Cruz.
“Bitbit ang kanyang mga vloggers, gumawa na naman ng eksena si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso. Galit-galitan, nakakunot ang noo, lakad na parang may susugurin, drama-drama sa harap ng mga nag-uusyoso.
"Lahat po yan para lang siraan ang inyong lingkod, lituhin ang mga tao, at harangin ang isang legal at makabuluhang proyektong wala naman siyang kinalaman.”

Mariing pinabulaanan ni Chua ang mga akusasyon ni Mayor Isko laban sa kanya.
“Puro kasinungalingan po ang mga paratang ni Isko na kesyo ilegal ang pagpapatayo sa Sentro Komunidad de Santa Cruz.
"Yan po ay isang proyektong pinondohan ng DPWH at naisabatas sa bisa General Appropriations Act para sa kapakanan ng mga taga-Maynila.
“Ang totoo: Nagsimula ang proyekto noon pang 2020 (hindi pa ako ang congressman noon) pero nahinto dahil walang karugtong na budget.
“Kaya naman noong 2024, muling ipinaglaban ng inyong lingkod ang dagdag na pondo sa DPWH at DBM para maipagpatuloy ang construction.
“Yan naman ang trabaho ng congressman di po ba? Ang maging BOSES ng distrito para idulog sa national government ang mga proyektong kailangan ng mamamayan.
“Layunin ng Sentro Komunidad de Santa Cruz project na magtayo ng isang makabagong 4-storey community center na may day care center, library, sports facilities, dialysis center, halfway house para sa homeless, senior citizens office, at evacuation center.
“Ito ay malinaw na proyektong para sa tao, hindi para sa pulitika kaya nakakadismaya na ginagamit ito ng mga pwersa ng kasamaan (Isko forces) sa Maynila for an 'easy headline' at vlog content nila, kapalit ng katotohanan at kapakanan ng mga taga-lungsod.”
Nanawagan din si Chua sa publiko na huwag paniwalaan ang mga "PR stunt" ni Isko.
Pagpapatuloy ni Chua: “Apela ko po sa ating mga kababayan at iginagalang na news media na sumusubaybay sa laban natin kontra korapsyon via the Committee on Good Government and Public Accountability, huwag po tayong magpa-carried-away at magpaloko sa mga PR stunt ni Isko.
“Ang tamang forum para litisin ang mga isyu ay ang korte at Office of the Ombudsman, hindi ang YouTube, TikTok, o Facebook reels.
“Puro siya 'congressman' nang 'congressman' e samantalang proyekto yan ng National Government-DPWH! Taga-request lang ang congressman. Yung approval, implementation, pati permits, lahat yan DPWH ang nangangasiwa.
“Wala rin po akong kinalaman sa bidding at pagpili ng contractor. So kung talagang matapang si Mayor Isko Domagoso (matapang ka ba talaga Isko o pang-vlog ka lang?), wag ako ang tahulan niya kundi ang National Government at ang DPWH.
“Sa mga kababayan ko sa Manila 3rd District, ipaglalaban ko po ang proyektong ito dahil ito ay para sa inyo. Hindi ko hahayaang ipahinto ang isang matinong proyekto na magsisilbi bilang puso ng komunidad ng Santa Cruz at maghahatid ng tunay na serbisyo sa inyo.”
Read: Julius Babao, itinangging tumanggap ng PHP10M sa Discaya interview