Isinuko na ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya ang sampu sa labindalawang luxury cars na pag-aari nila.
Ito ay kasunod ng babala ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno na mananagot sa batas at parurusahan ang mga tumutulong sa pagtatago ng mga sasakyang hinahanap ng kanyang tanggapan.
Sa talaan ng BOC, labindalawa ang bilang ng luxury cars ng mga Discaya.
Pero nang maghain ang mga tauhan ng BOC ng search warrant sa tanggapan ng St. Gerrard Construction General Contractor and Development sa Pasig City noong Martes ng umaga, Setyembre 2, 2025, dalawa lamang ang kanilang natagpuan — ang Maserati at Land Cruiser.
Ang dahilan ng paghahain ng search warrant ay para malaman kung nagbayad ng tamang buwis ang mga Discaya nang bilhin ang mga sasakyan.
Kinagabihan, isa-isang nagdatingan sa St. Gerrard compound ang mga pinaghahanap na sasakyan.
Read: Luxury cars ng mga Discaya, dalawa na lang ang natira?
THE MYSTERIOUS DISAPPEARANCE OF LUXURY CARS
Sa panayam ng GMA Integrated News sa Discaya legal counsel at spokesperson na si Atty. Cornelio Samaniego III, ipinaliwanag nito ang pagkawala ng luxury cars.
Saad niya: “Ginagamit ho kasi yung ibang sasakyan. So, yung iba naman for maintenance.
"Yung iba naman, e, nailagay sa isang lugar kasi preemptive measure sila ngayon kasi dahil nagbabaha dito sa Pasig.”
Pagtatanggol pa ni Samaniego sa kanyang mga kliyente: “Hindi po itinatago. Bakit itatago, e, legal yung mga yun?
"Wala naman hong nagbabawal na bumili ka ng ganitong sasakyan na mamahal, e. Wala po.
"Yang mga allegation na nasa illegal, hindi po totoo yon."
Read: Sarah Discaya, ginisa ng mga senador sa Senate hearing
WHAT'S THE REAL NUMBER OF THE LUXURY CARS OF THE DISCAYAS?
Ang luxury cars ng mga Discaya na milyun-milyon ang mga halaga ang isa sa mga sentro ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, Setyembre 1.
Tinalakay rito ang mga anomalya sa flood control projects na kinasasangkutan umano ng mga kontratista, ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways, at ilang politiko.
Kabilang si Sarah Discaya sa mga inimbitahan.
Sa pagtatanong sa kanya ni Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada, sinabi ni Sarah na 28 lamang ang bilang ng luxury cars na pag-aari ng kanilang pamilya.
Binili raw nila ang mga ito mula sa Frebel Import and Export Corporation at AutoArt Corporation.
Pero sa impormasyong natanggap ni Estrada mula sa Land Transportation Office, 40 umano ang luxury cars sa 80 sasakyan ng mga Discaya.
Read: All 38 featured vehicles of the Discaya family and their prices
Muling bumabalik sa panayam ni Julius Babao sa mag-asawang Discaya ang isyu dahil ito ang matibay na ebidensiyang iba ang mga pahayag ni Sarah sa Senado at kay Julius.
Sa imbestigasyon sa kanya ni Estrada, sinabi ni Sarah na binili lamang nila sa Pilipinas ang mga mamahaling sasakyan.
Pero iba ang kanyang sagot nang magtanong si Julius tungkol sa Grand Wagoneer na nagkakahalaga ng mahigit anim na milyong piso.
Sabi ni Sarah sa panayam: “Nakita ko ito, sinearch ko talaga sa YouTube, wala nito sa Philippines, Grand Wagoneer, parang Jeep.
“So, wala din ito sa Manila. May isa yatang kumuha pero nag-iisa lang itong kulay na ito.
"Pina-ship ko ito from the U.S. It’s an American car.
"Ang ganda ng body niya tapos parang compact lang din siya. Tapos yung color ang ganda, gusto ko red.”
Mahihirapan si Sarah na itanggi ang katotohanan dahil nanggaling din sa kanya ang mga impormasyon tungkol sa luxury cars nila.
Hindi lamang si Sarah ang humarap sa Senate Blue Ribbon committee inquiry dahil plano ring ipatawag sa Senado ang kanyang asawa na si Curlee Discaya, na binansagang “Mistermind” ni Pasig City Mayor Vico Sotto.
Read: Sarah at Curlee Discaya, minumulto ng pagpapakita nila ng yaman