Inalam ng Cabinet Files ngayong Linggo, Setyembre 21, 2025, ang reaksyon ni Anjo Yllana tungkol sa mga komento sa kanyang sarkastikong pahayag na si President Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pinakamalinis na pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon kay Anjo, naglabas siya ng mga hinaing tungkol kay Marcos dahil bukod sa malawakang korapsyon na nangyayari sa bansa, natangay na ang kanyang damdamin ng mga sentimyento ng ating mga kababayan at ng napakabihirang pagkakataon na pagsasalita ni Sarah Geronimo.
“I’ve been doing vlogs for the past twelve days. Siguro nadadala lang ako emotions ng mga comments ng tao and nung nagsalita na rin si Sarah G.
Ang tinutukoy ni Anjo ay ang pagsasalita ni Sarah sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 opening nung Biyernes, September 19, 2025.
Habang nagpi-perform, nagpahayag ng kanyang disgusto sa nangyayaring korapsyon sa bansa ang Popstar Royalty at nagbigay ng mensahe sa mga kabataan na maging simula ng pagbabago sa bansa.
Read: Sarah Geronimo speaks out against the rotten system in government
“Sabi ko, pipitik nga ako para baka ma-realize ni BBM na mali ang diskarte niya and he should change it before it’s too late. Ganun lang,” pahayag ni Anjo na natutuwa dahil nakita niya ngayong Linggo ang libu-libong bilang ng mga Pilipino na lumahok sa kilos-protesta laban sa korapsyon.
“I am grateful that for the past unsuccessful peaceful rallies and anniversaries of the People Power revolution, I finally hear and see people becoming active, especially now when the whole nation needs to have one voice against this ridiculous stolen wealth and ghost projects of the government,” ang nagpapasalamat na lahad ni Anjo na pinayagan ang Cabinet Files na ibahagi ang kabuuan ng mensahe niya para kay Marcos.
Sa kanyang video post, mapapanood ang mga sarkastikong pahayag ni Anjo tungkol kay Pres. Bongbong Marcos (BBM).
“Si President BBM, saludo po ako sa ’yo. Ikaw ang pinakamalinis na presidente sa history ng Pilipinas at sa mundo.
“Ikaw ang pinakamalinis! Bakit kamo? Lagi kang naghuhugas-kamay.
"Ano yung commercial ng Safeguard?
“Ninety-nine percent na germs, hugas-kamay, Mr. President! Puro ka hugas-kamay, Mr. President.
“Meron ka pang ilang oras, ilang araw, ilang linggo para baguhin mo ang style mo. Magsalita ka naman. Magpakulong ka. Ayaw talaga, e.
“Parang, ‘Wala akong kinalaman diyan!’
“Yun ang ginagamit ni Chavit [Singson], e. Sinasabi niya, command responsibility.
“Sabi niya, ‘Puwede ba naman walang alam yung presidente sa mga nakawan?’
“Totoo naman. You have all the intelligence funds. Ikaw lang ang may intelligence funds na ganyan kalaki.
“Don’t tell me hindi mo alam kung sino ang mga nagnanakaw?
“Hindi maganda kasi yon, Mr. President. Sasabihin mo, ‘Hindi ko alam, e.’
"Wala kang pakialam, lagi mong sinasabi. Nag-aano siya, naghuhugas-kamay. Panay Safeguard,” sabi pa ni Anjo na isa sa mga artistang pumuna sa pinaniniwalaan niyang "always playing safe" at madalas na paghuhugas-kamay na ugali ni Marcos.
Hindi estranghero sa pulitika si Anjo na dati nang naging vice mayor ng Parañaque City at ilang beses naging konsehal sa lungsod. Kumandidato rin siya noon Quezon City, Camarines Sur, at Calamba, Laguna ngunit hindi pinalad na manalo.