Dalawang showbiz events ang kinansela ngayong Biyernes, Setyembre 26, 2025, dahil sa typhoon Opong.
Inaasahan ang malakas na buhos ng ulan at posibleng pagbaha na hatid nito.
Kanselado ang thanksgiving media conference ng Seducing Drake Palma, ang hit series ng Viva One na pinangungunahan nina Rabin Angeles at Angela Muji.
Hindi rin tuloy ang press conference ng Shake, Rattle & Roll: Evil Origins, ang official entry ng Regal Entertainment, Inc. sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025.

Bilang pag-iingat at paghahanda sa bagyong Opong, kinansela rin ang klase ng mga estudyante sa lahat ng antas ng paaralan sa Metro Manila.
Read: Bong Revilla, Martin Romualdez strongly deny allegations linking them to flood control corruption
ONDOY 16TH ANNIVERSARY
Labing-anim na taon na ang nakalilipas nang lumubog sa baha ang Metro Manila dahil sa bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009.
Araw ng Sabado nang bumuhos ang malakas at walang patid na pag-ulan.
Ikinabigla ito ng lahat dahil hindi nila napaghandaan ang dumating na delubyo na ikinamatay ng marami at ikinawasak ng mga ari-arian.
Nag-umpisa ang pag-ulan Biyernes ng gabi, Setyembre 25.
Maaaring hindi ito nalilimutan nina Ynna Asistio at dating Senator Bong Revilla dahil inulan ang kanilang magkahiwalay na birthday party.
Si Mark Herras pa ang karelasyon noon ni Ynna, na nagdiwang ng 18th birthday sa Tektite Auditorium sa Pasig City.
Ginanap naman sa White Space, Makati City, ang ika-43 kaarawan ni Bong.
May mga imbitadong bisita sa debut ni Ynna na imbitado rin sa selebrasyon ni Bong, pero hindi na nakadalo dahil sa malakas na buhos na ulan na hatid ng Typhoon Ondoy.
Tumagal hanggang kinabukasan ang ulan na naging sanhi ng paglubog sa baha ng Metro Manila.
Read: Jennica Garcia recounts harrowing typhoon Ondoy experience
CRISTINE REYES'S ONDOY EXPERIENCE
Kabilang ang mga residente ng Provident Village sa Marikina City sa naperhuwisyo dahil napilitan silang umakyat sa bubong ng kanilang mga bahay para makaiwas sa lampas-taong baha.
Sa mga showbiz personality na lubhang naapektuhan ng baha, si Cristine Reyes ang naging mukha ng Typhoon Ondoy.
Nakunan siya ng larawan habang basang-basa, nanginginig sa lamig at nasa bubong ng kanilang tahanan—isang karanasang nagbigay sa kanya ng trauma sa tuwing may malakas na bagyo na paparating.
Read: Cristine Reyes says recent typhoon, earthquake reminds her of traumatic typhoon Ondoy

Sa ika-16 na anibersaryo ngayon ng typhoon Ondoy, binabantayan at pinaghahandaan ang bagyong Opong dahil sa posibleng pinsala na mangyari.
Maaaring nagkataon lang na parehong nagsisimula sa letrang O at may limang titik ang Ondoy at Opong, pero dapat nang matuto mula sa mga aral at karanasan ng nakaraan ang mga Pilipinong hindi lamang isinisisi sa mga natural na kalamidad at climate change ang matinding pagbaha na nangyayari ngayon sa maraming lugar sa tuwing umuulan.
Nakahanap ang maraming Pilipino ng mga bagong sisisihin at susumbatan sa malawak na pagbaha—ang mga ganid na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa pagnanakaw ng bilyun-bilyong pondo mula sa proyekto ng flood control na mismong sila rin ang mga naghalal.