Si Kathryn Bernardo ang hula ng karamihan sa mystery girl na tampok sa teaser video na inilabas sa Instagram account ng Madame Tussauds Hong Kong ngayong Lunes, Oktubre 20, 2025, tungkol sa Pilipino na mabibigyan ng karangalang magkaroon ng wax figure.
Nakasaad sa teaser video: “Someone special is joining Madame Tussauds Hong Kong’s red carpet. Can you guess who our next Filipino wax figure is from these clues?”
Ang clues: “She launched her acting journey at just 7 years old, she starred in the FIRST Filipino film to hit over 1 billion pesos globally!”
View this post on Instagram
Ang clues ay malinaw na tumutukoy sa mga pangyayari sa showbiz journey ni Kathryn.
Read: Chie Filomeno slams "Sofia," accuses her of malicious smear campaign
FIFTH FILIPINO CELEBRITY AT MADAME TUSSAUDS HONG KONG
Kung saka-sakali, si Kathryn ang panglima sa prominent Filipino personalities na magkakaroon ng wax figure sa Madame Tussauds Wax Museum sa The Peak Hong Kong.
Si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach ang kauna-unahang Pilipino na ginawan ng wax figure ng Madame Tussauds noong 2019.

Sinundan ito ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao na nabigyan ng sariling wax figure noong 2021.

Nangyari naman noong Setyembre 2023 ang unveiling ng wax figure ni Miss Universe 2018 Catriona Gray sa Madame Tussauds Hong Kong.

Nang sumunod na taon, Nobyembre 2024, si Anne Curtis ang pinagkalooban ng pambihirang karangalan na magkaroon ng wax figure.

Normal na pinaka-popular sa mga turistang Pilipino na nagpupunta sa Madame Tussauds Hong Kong ang mga life-size wax figure nina Pia, Manny, Catriona, at Anne dahil ipinagmamalaki nila ang ating mga kababayan.
Makikita sa main entrance ng Madame Tussauds Hong Kong ang malaking larawan ni Anne sa tabi ng kanyang wax figure.

Naka-display rin sa main entrance ng Madame Tussauds ang mas maliit na litrato ni Pia sa tabi ng wax figure ng Hollywood actress na si Audrey Hepburn.

Naghatid ito ng kasiyahan sa mga Filipino tourist dahil sa pagpapahalagang ibinigay sa sikat na Pinoy personalities.
Read: Emma Mary Tiglao clinches back-to-back Miss Grand International crown for the Philippines