Kinumpirma ni Jennifer Ward, ina ng aktres na si Jillian Ward, sa Cabinet Files na desidido silang sampahan ng cyberlibel ang mga nagkakalat ng malisyoso at wala umanong katotohanang balita na ibinubugaw niya sa mayayamang tao ang sariling anak.
Read: Jillian Ward, sinagot ang alegasyong ibinubugaw siya ng sariling ina
Hindi napigilan ni Jennifer ang mapaluha dahil sa sobrang awa raw niya kay Jillian na dinaramdam nang husto ang "fake news" tungkol sa kanilang mag-ina.
Ipinagtapat ni Jennifer sa Cabinet Files na pumasok sa isip ni Jillian na talikuran ang showbiz dahil sa masasakit at mabibigat na paratang.
Lahad ng ina ni Jillian: “Sinabi niya sa akin na ano pa ang point ng hard work, ng mga pinagpapaguran niya kung palagi na lamang siyang mabibiktima ng fake news.
"Buti nga ngayon, ngumingiti-ngiti na siya. Balisang-balisa siya, kawawa."
Kinikilabutan daw at naiiyak sa galit si Jennifer dahil sa mga paninira sa kanyang anak.
“Dyusko! Hinding-hindi ko puwedeng gawin yon sa anak ko! May takot ako sa Diyos,” sabi ni Jennifer.
“Noong bata nga ako, kinukuha akong mag-artista, para maging sexy star, hindi ko nga pinatos tapos gaganunin ko ang anak ko?
“Grabe yung mga basher, hindi sila titigil. They won’t stop.
"Gusto ko talagang mag-file ng case, cyberlibel."
Ipinakita ni Jennifer sa Cabinet Files ang screenshots ng social media posts ng mga taong naninira kay Jillian.
Gagamitin daw nila ang mga ito bilang ebidensiya para sa mga sasampahan nila ng reklamo.
Read: Lee Yi Kyung accused of sexual misconduct in leaked chats
ON JILLIAN BEING LINKED TO CHAVIT SINGSON
Mariin ding pinabulaanan ni Jennifer ang mga haka-hakang nag-uugnay sa kanyang anak kay dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson.
Hindi raw nila kilala at hindi pa umano nila nakikita nang personal ang 84-year-old politician-businessman.
Sa interbyu kay Singson ng entertainment press noong Oktubre 14, 2025, tinanong din siya tungkol kay Jillian.
“Marites lang yon,” dalawang beses na sagot ni Chavit.
Iginiit naman ni Jillian na hindi sila magkakilala ni Singson.
Saad niya sa kanyang panayam sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Martes, Oktubre 21: "Never ko po siya nakilala. Never na-meet. Never nakausap. Never po kami nagkita.
"So, hindi ko po talaga alam kung paano nila nagawa ang lahat ng ito kasi never ko po talaga siya na-meet. Hindi ko nga po alam kung kilala niya ako.”
Read: Chavit Singson, nagkomento sa pagkakaugnay kina Jillian at Yen
THE ALLEGED PERPETRATORS
May idea si Jennifer sa mga taong naninira umano sa kanila ni Jillian, pero hindi niya binanggit ang mga pangalan ng mga ito.
Pahayag niya sa Cabinet Files: “Mahirap lang magsalita pero alam ko kung sino sila at alam nila na sila ang tinutukoy ko.
“Never in my wildest dream na... ito yung pinakamalisyoso.
"Wala silang basis. Ipinipilit ng mga tao na… parang ang happy-happy nila na maglabas ng fake news.”
Ipinaalala ni Jennifer na dalawang taon pa lang ang edad ni Jillian nang mag-umpisa itong magtrabaho bilang commercial model.
Limang taon si Jillian nang magbida ito sa Trudis Liit, ang defunct afternoon drama series ng GMA-7.
Mula noon hanggang ngayon, hindi na siya huminto sa pagtatrabaho.
Masinop daw sa pera si Jennifer dahil inipon niya ang lahat ng mga kinita ni Jillian sa showbiz.
May kakayahan daw ang kanyang anak na bilhin ang mga gusto nito, tulad ng second hand Porsche car na nagkakahalaga lamang ng mahigit isang milyong piso pero inintrigang regalo umano ng “sponsor.”
Read: Tessa Prieto posts P120K bail for estafa rap; insists, "I'm a victim."