Pinabulaanan ni Anjo Yllana ang paratang na may influential personality na nasa likod niya nang magsalita siya sa kanyang vlog laban kay Senate President Tito Sotto.
Nahinto ang pagbanat niya kay Senator Tito dahil sa “ceasefire” na kasunduan nila nina Vic at Maru Sotto, ang mga kapatid ng veteran TV host-politician.
Nanindigan si Anjo na “bluff” lamang ang kontrobersiyal at pinag-usapang pagsasalita niya tungkol kay Senator Tito.
Pero hindi itinanggi ni Anjo ang mga usap-usapan tungkol sa posibleng pagkandidato niyang senador sa halalan sa Mayo 2028.
Ito raw ang pakiusap ng kanyang social media supporters.
“Yung followers ko, pinapatakbo akong senador para meron daw silang boses sa senado. Mga mahihirap na tao ito,” sabi ni Anjo sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files.
Read: Anjo Yllana concedes bluff, calls ceasefire with Sen. Tito Sotto
ANJO YLLANA AS A "POLITICAL ANALYST"
Tinawag ni Anjo ang sarili bilang "political analyst" dahil sa pagbibigay niya ng opinyon sa mga kaganapan sa gobyerno sa pamamagitan ng kanyang vlog sa TikTok, ang Anjo & Mr. Wrongbang.
Sa kasalukuyan ay mayroon na itong 94.5K followers.
Saad ni Anjo: “Meron akong opinion [segment sa vlog ko]. Political analyst ako dito.
"In fact, kung mapapanood lately, fortune telling na ako dito. Nanghuhula na ako. Libreng hula.
"E, tumatama naman. Out of ten, nine ang tama.
“Kumbaga, ang pinakamaganda sa vlog ko, tuwang-tuwa ako kapag sinasabi nilang nakakatanggal ako ng stress. 'Kapag nanonood kami ng show mo, natatanggal ang stress namin.’"
Dagdag pa ng aktor: “Ang bottomline, gusto nila akong tumakbong senador.
"Yung iba nga, vice-president, yung iba president. Pero hindi ko naman sineseryoso yun.
“Pero yung pagka-senador, pinag-iisipan ko dahil ngayon, maraming magnanakaw ang nakaupo.”
Read: Anjo Yllana, nilinaw ang pagkakautang umano kay Willie Revillame
ANJO YLLANA ON DEATH PENALTY FOR CORRUPT POLITICIANS
Kung sakaling palarin daw siyang maluklok na senador sa eleksyon sa Mayo 2028, plano ni Anjo na ibalik ang parusang death penalty.
Pero para lamang daw sa mga corrupt government official at hindi sa ibang mga kriminal.
“Kapag nanalo akong senador, mababawasan ng isang magnanakaw," sabi ni Anjo.
"Madadagdagan ngayon ng isang honest na senador kung sakaling manalo ako.
“Given the chance, I will run if I can help the country na magkaroon ng isang honest na senador who will fight against corruption.
“Saka sabi ko, i-reinstate yung death penalty para sa mga corrupt lang, ha? Hindi sa rapists, hindi sa murderers.
“Sa corrupt lang, kasi para sa akin, ang number one problem ngayon sa Pilipinas, e, corruption. Ang problema, walang solusyon sa corruption sa Pilipinas.
“Hanggang ngayon, tuloy pa rin ang corruption.
"The only solution for that is magkaroon tayo ng Lee Kuan Yew na talagang disiplina."
Ang "Lee Kuan Yew" na tinutukoy ni Anjo ay ang kauna-unahang prime minister ng bansang Singapore.
Pagpapatuloy niya: “Death penalty sa mga corrupt officials. I think yun ang solusyon.
"That’s why if ever na mabigyan ako ng pagkakataon [na mahalal na senador], yun ang isang ikinukuwento ko na ipu-push ko para matapos ang corruption sa bansa.
“Pero siyempre, ito ay kuwentuhan lang. Hindi natin malalaman sa mga susunod na taon, matagal pa [ang eleksyon].
"Pero willing ako. I am willing to run. I am willing to serve the people na mawala itong corruption dito sa bansa natin."
Read: Anjo Yllana natuwa sa mga reaksyon sa mga pahayag kay BBM
ANJO YLLANA'S POLITIAL CAREER
Bukod sa pagiging aktor ay sumabak din sa pulitika si Anjo.
Nagsimula ang kanyang political career bilang konsehal sa Parañaque City, kung saan nakadalawang termino siya — mula 1998 hanggang 2004.
Noong 2004 ay nanalo siyang vice-mayor sa Parañaque. Pero hindi na siya pinalad sa kanyang re-election bid noong 2007.
Muli siyang tumakbong vice-mayor noong 2010, pero muli siyang natalo.
Noong 2013, tumakbo siyang konsehal sa ikalimang distrito ng Quezon City at nanalo. Muli siyang nahalal sa puwesto hanggang 2019.
Noong 2022 ay nagsumite siya ng certificate of candidacy bilang congressman ng fourth district ng Camarines Sur, ngunit nag-withdraw siya kalaunan dahil sa "money issue."
Nitong 2025 elections ay tumakbo si Anjo bilang vice-mayor ng Calamba City, Laguna, ngunit sa kasamaang-palad ay natalo siya.
Kung saka-sakaling matuloy siyang tumakbong senador sa 2028 elections, ito ang unang pagkakataong susubukan niya ang kanyang kapalaran sa national level.
Read: Anjo Yllana, naka-recover na sa pagkatalo bilang vice-mayor