Ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ang official entry ng Regal Entertainment Inc. sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) na magsisimula sa Disyembre 2025.
Read: Meet the Cast of Shake, Rattle & Roll: Evil Origins
Isa ito sa mga proyektong ginastusan nang malaki ng producer na si Roselle Monteverde at ng anak nitong si Atty. Keith Monteverde dahil ginanap ang grand media conference sa Cinema 5 ng Gateway Mall, ang pinakamalawak na sinehan sa nabanggit na mall.
Star-studded ang press conference ng naturang pelikula dahil sa dami ng mga artistang kasali sa interconnected episodes na mula sa taon ang mga pamagat, ang "1775," "2025," at "2050."
Read: Dustin Yu magbibida sa isang episode ng Shake, Rattle & Roll XVII
Ayon kay Roselle, isa nang tradisyon ang Shake, Rattle & Roll at ang Evil Origins ang pang-labingpito sa iconic Filipino horror anthology series na inumpisahan ng kanilang kumpanya noong 1984.
“Ang Shake, Rattle & Roll, naging tradisyon na. So, ang tradisyon, tayo ba ay susunod o iibahin natin?
“Pero ang tradisyon ng Shake, Rattle & Roll is always excellence. Yan ang aming tradisyon.
“There are some years na hindi kami nakakapag-produce ng Shake, Rattle & Roll kasi wala pa kaming naiisip na konsepto.
“Sa totoo lang, mahirap. Mahirap makaisip ng konsepto, makabuo ng isang Shake, Rattle & Roll,” pahayag ni Roselle nang humarap ito sa grand media conference ng kanilang MMFF entry.
“Ngayong taong ito, sinimulan namin ang pag-produce nito since I would say, two years ago. From brainstorming, napag-usapan namin kung ano ang gagawin.
“Ano pa ba ang puwede nating maibigay para maiba ang Shake? Gawin nating connected. So, ito yun.
"Hindi kayo puwedeng umalis ng sinehan na hindi ninyo napapanood ang simula, ang dulo o ang gitna, kaya ang excellence na ina-achieve namin ay sa production value, sa technical aspects, sa story-telling, siyempre sa ating mga direktor na magagaling, sa design at pati sa mga artista.
“Wala ang Shake, Rattle & Roll kung hindi mailagay sa katotohanan, sa reality ang mga vision ng producers at story writers at ito sila, ang mga direktor,” ani Roselle na sinundan nito ng pasasalamat kina Shugo Paraico, Joey De Guzman at Ian Loreños, ang mga direktor ng Shake, Rattle & Roll: Evil Origins.