May special participation si Lorna Tolentino sa Philippine adaptation ng South Korean movie na A Werewolf Boy, na pinagbibidahan nina Rabin Angeles at Angela Muji.
Para sa dalawang young stars, isang karanasan at karangalan na makatrabaho ang multi-awarded actress.
ANGELA MUJI, NAMANGHA KAY LORNA TOLENTINO
Si Angela ay na-amaze.
Sambit niya: "Sobrang galing po niya, unang eksena ko po sa kanya, tatawagin ko lang siya. Kakasabi lang po ni Direk Cris Aquino ng 'action,' bigla po siyang umiyak agad. Tulo agad ang luha niya. Walang anything, walang actor’s cue."
Natigilan daw siya at ang mga kasama sa set.
Sa pagpapatuloy ng female lead ng movie, "Parang lahat, ‘Ha?’ Lahat kami, pumalakpak kasi sobrang galing ni Ms. Lorna."

But beyond her impfressive acting performance, napahanga rin ang mga cast members sa kabaitan ng multi-awarded actress.
Sabi pa ni Angela: "Ang saya po niya na kasama. She’s very down-to-earth and sweet. Very supportive po siya.
"Nag-e-encourage po siya, in-encourage po niya kami,”
Sa simula, kabadong-kabado raw ang dalaga na makasama si Lorna sa mga eksena, pero nawala ang kanyang nerbiyos nang makilala nang lubusan ang beteranang aktres.
"Kinakabahan po talaga ako. Sobrang kabado po ako na maka-eksena po siya. Nawala po yung kaba na iyon kasi sobrang down-to-earth niya, sobrang welcoming na tao, at approachable po siya.”
Read: Ryan Bang and Paola Huyong spotted at Hola, Escolta street fest
RABIN ANGELES, PINAIYAK NI LORNA TOLENTINO
Sinang-ayunan ni Rabin ang mga sinabi ng kapareha.
Maging siya raw ay kabado noong una.
Ang kuwento ng lead star: “Nung unang kita ko sa kanya, parang kinakabahan ako. Pero nang magkita kami, grabe, siya pa ang unang bumati sa akin. Ang bait po ni Ms. Lorna, sobra."

Bukod sa kabaitan, na-starstruck ang binata sa kagandahan ni Lorna.
"Pero nung hindi po ako makapagsalit,a kasi na-starstruck ako kasi ang ganda-ganda niya.
"Tapos napapanood ko lang siya dati pero ganoon pala siya kabait at ka-humble.
Pero nung kinunan daw nila ang isang madamdaming eksena, nagkaroon ng kakaibang epekto kay Rabin ang pagluha ni Lorna.
“Nung eksena na namin, iba talaga kapag sinabi mo na Lorna Tolentino. Iba talaga ang ipapakita niya saiyo na pag-arte dahil sa first take pa lang, umiiyak na siya.
"Sabi ni Direk Cris, 'Rab huwag kang iiyak,’ tapos sa take namin, sa shot ni Ms. Lorna, nang yumakap siya sa akin, umiiyak ako.
“Sabi ko ‘Direk, hindi ko po mapigilan.’
“Sabi niya, ‘Take 2 na ito. Shot mo na ito.Huwag kang iiyak.’ 'Sige po.'
"Pagyakap ko po, nakamulat lang talaga yung mata ko. Sabi ko, ‘Huwag kang iiyak. Huwag kang iiyak,’ pero madadala ka kay Ms. Lorna kasi kahit hindi na sa kanya nakatapat yung kamera, umiiyak siya, so nahahawa ako sa kanya.”
Mapapanood ang A Werewolf Boy sa mga sinehan simula sa Enero 14, 2026.
Read: Who is Zen Hernandez?