Hindi natuloy ang story conference at script reading ng MQuest Ventures at APT Entertainment para sa The Kingdom, Magkabilang Mundo noong Martes, Disyembre 16, 2025.
Ang The Kingdom, Magkabilang Mundo ay ang drama series na halaw mula sa The Kingdom, ang pelikulang pinagbidahan nina Vic Sotto at Piolo Pascual na kalahok sa Metro Manila Film Festival 2024.
Read: Derek Ramsay, kasama sa cast ng The Kingdom series ng TV5?

Nakatakda sanang maganap sa APT Studios sa Cainta, Rizal, ang story conference at script reading ng mga artista at production staff ng The Kingdom, Magkabilang Mundo.
Pero ipinagpaliban ito ng MQuest Ventures at APT Entertainment.
DEREK RAMSAY TV COMEBACK
Walang ibinigay na dahilan ang magkabilang panig tungkol sa postponement ng story conference at script reading.
Pero maaaring may kinalaman ang pagpunta ni Derek Ramsay sa London, kasama ang kanyang anak na si Lily, kaya hindi siya makadadalo.
Isang production insider ang nagsabi sa Cabinet Files na tinanggap na ni Derek ang alok na maging isa sa mga pangunahing tauhan ng proyekto.
Ito ay sa kabila ng deklarasyon noon ni Derek na nagretiro na umano siya sa pag-aarista.
Hudyat din ito ng pagbabalik niya sa telebisyon makalipas ang pitong taon.
Ang The Better Woman, na napanood sa GMA-7 (Hulyo 1, 2019-Setyembre 27, 2019), ang huling acting assignment ni Derek sa telebisyon.
Si Derek ang lead actor sa The Better Woman na pinagbidahan ng kanyang ex-girlfriend na si Andrea Torres.
Ang The Kingdom, Magkabilang Mundo ang pagbabalik din ni Derek sa TV5 makaraan ang sampung taon dahil Kapatid actor siya mula 2012 hanggang 2015.
Ang drama-fantasy series na Kidlat, ang reality competition show na Amazing Race Philippines, at ang sitcom na Mac & Chiz ang ilan sa mga nakaraang proyekto ni Derek sa TV5.
Si Mike Tuviera ang direktor ng Kidlat kaya ang The Kingdom, Magkabilang Mundo ang magsisilbing reunion project nila.
Bukod kay Derek, tampok din sa The Kingdom series sina Ryza Cenon at Cristine Reyes.
Ang The Kingdom, Magkabilang Mundo ang magsisilbing reunion project nina Derek at Cristine pagkatapos nilang magkasama sa No Other Woman noong 2011 at The Trophy Wife noong 2017.
Minsan na ring naugnay sina Derek at Cristine sa isa't isa noong hindi pa sila parehong ikinasal sa iba.
Read: Cristine Reyes does not regret short-lived relationship with Derek Ramsay