Burado na ang Facebook post ng dating SexBomb Girls member na si Izzy Trazona-Aragon tungkol sa maling akusasyon niyang dinagdagan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kanyang post tungkol sa estado ng relasyon nila ng kanyang anak, ang trans woman na si Andrei "Sofia" Trazona.
Ito ang nilalaman ng burado nang Facebook post ni Izzy: (published as is): "Hello 'pep.ph' Bakit po may pagdagdag ng words. Malayo po sa post ko.
"Wala naman po ako sinasabing ganyan, naka-highlight papo ang mga dagdag hehe!
"Mali po yun, dapat totoo lang po. Para mapagkakatiwalaan ang news nyo po."
Ang mensaheng ito ay ni-repost ng ilang social media blogs, kalakip ang orihinal na quote card na ibinahagi ng PEP sa Facebook.
Read: Izzy Trazona, itinangging wala silang komunikasyon ni Sofia

Ang pagbura ni Izzy sa paratang nito laban sa PEP ay indikasyong napagtanto nitong nagkamali siya sa kanyang Facebook post noong nakaraang linggo.
Pero marami sa followers ni Izzy ang nakabasa at naniwala sa Facebook post niya.
Hinikayat pa siya ng ilang sampahan ng kaso ang PEP dahil sa pagkakalat umano nito ng fake news.
May mga nanawagan ding huwag tangkilikin ang PEP dahil hindi raw totoo ang mga balitang inilalathala rito.
NO APOLOGY, JUST DELETE
Noong Pebrero 15, 2026, sa pamamagitan ng isang artikulo, ipinaalala ng Cabinet Files kay Izzy ang detalyadong pakikipag-usap namin sa kanya sa studio ng Fast Talk With Boy Abunda, noong Pebrero 11, 2026.
Tinanong namin siya tungkol sa reaksyon niya sa social media post ng kanyang anak na si Sofia na matagal na raw silang hindi nagkikita.
Walang labis, walang kulang, at lalong hindi dinagdagan ng PEP ang mga pahayag ni Izzy.
Read: Izzy Trazona, mali ang paratang sa PEP na "pagdagdag ng words"
Malaki ang posibilidad na nabasa ni Izzy ang nabanggit na artikulo at naalaala niya ang kanyang pagpapainterbyu.
Ngunit imbes na humingi ng paumanhin at aminin ang pagkakamali, pinili ni Izzy na burahin na lamang ang kanyang Facebook post.
Marami ang napaniwalang imbento ang panayam sa kanya ng PEP kaya mahalaga pa ring linawin niyang nagkamali siya ng akala.
At para sa mga nag-uudyok kay Izzy na maghain ng reklamo, may mga saksi at may audio recording ang pag-uusap namin.
Maaaring nalimutan lamang ni Izzy ang pangyayari at hindi siya masisisi, lalo na ngayong matitindi ang mga batikos ng netizens laban sa kanyang asawa na si Alvin Aragon.
Read: StarStruck alum Alvin Aragon draws backlash over anti-gay remark