Trigger Warning: Mention of child abuse, rape, suicide
Malaking balita sa buong panig ng mundo ang pag-aresto kay Andrew Mountbatten Windsor sa mismong ika-66 kaarawan niya noong Huwebes, Pebrero 19, 2026, dahil sa paratang na “misconduct in public office.”
Si Andrew ang nakababatang kapatid ni King Charles ll na inalisan ng titulo na prinsipe noong Oktubre 2025.
Ito ay dahil sa pagkakasangkot niya sa mga kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan, base sa milyun-milyong pahina ng mga dokumento tungkol kay Jeffrey Epstein na inilabas ng U.S. Justice Department.
Si Epstein ang American financier at child sex offender na inakusahan ng sex trafficking.
Nagpakamatay si Epstein sa bilangguan noong Agosto 10, 2019 bago pa man nag-umpisa ang paglilitis sa kanya.
Read: Sam Milby surprised by Catriona Gray’s interview about their breakup

Alas-otso ng umaga noong Huwebes nang arestuhin si Andrew ng mga tauhan ng Thames Valley Police sa tirahan niya sa Sandringham Estate, Norfolk England.
Pinalaya siya makalipas ang labing-isang oras at walang pormal na kasong inihain laban sa kanya.
Hindi binanggit ng Thames Valley Police ang pangalan ni Andrew sa kanilang opisyal na pahayag.
Nakasaad dito: “On Thursday (19/2) we arrested a man in his sixties from Norfolk on suspicion of misconduct in public office.
“The arrested man has now been released under investigation.
“We can also confirm that our searches in Norfolk have now concluded.”

THE EPSTEIN FILES
Mabigat ang mga paratang laban kay Andrew dahil maraming beses na nabanggit ang pangalan at ang koneksiyon niya kay Epstein sa kontrobersyal na Epstein Files, na naglalaman ng mga palitan ng email at larawan noong nabubuhay pa ang nagpakamatay na American financier.
Si Epstein ay nakilala rin bilang kaibigan ng mga sikat at maimpluwensiyang personalidad sa mundo ng negosyo, pulitika, at entertainment.
Ang mga rebelasyon ni Virginia Giuffre na menor de edad siya nang maging biktima ni Epstein ang nagdiin kay Andrew, na mahigpit at paulit-ulit na pinabulaanan ang mga bintang laban sa kanya.
Inilahad ni Giuffre na 17 taong gulang lamang siya nang makipagtalik kay Andrew sa tatlong pagkakataon noong 2001.
Nakilala raw nila ang isa’t isa dahil kay Epstein.
Ayon kay Giuffre, binayaran siya ni Epstein ng $15,000 matapos ang pakikipagtalik niya kay Andrew sa London.
Inakusahan ni Giuffre si Epstein ng pagpapatakbo ng trafficking ring at nagbibigay ng mga batang babae sa mga makapangyarihang kalalakihan para sa sekswal na serbisyo.
Hindi nakamit ni Giuffre ang inaasam niyang hustisya dahil nagpakamatay siya noong Abril 25, 2025.
Read: Bulacan Vice Governor Alex Castro, ayaw patulan si Alvin Aragon
PHILIPPINE CONNECTION TO EPSTEIN FILES
Sangkot din sa usapin ang isang grupo ng mga Pilipinong kinuha umano ni Epstein ang serbisyo para burahin sa Internet ang mga impormasyon tungkol sa mga kriminal na gawain na iniuugnay sa kanya.
Natuklasan ang partisipasyon ng Philippine-based team dahil sa mga dokumento mula sa US Department of Justice, kabilang ang palitan ng email sa pagitan nina Epstein at Al Seckel.
Si Seckel ay bayaw ni Ghislaine Maxwell, ang British socialite na dating girlfriend ni Epstein.
Nagdurusa ngayon si Maxwell sa kulungan dahil dawit siya sa mga kaso ng sex trafficking.
Lumitaw sa imbestigasyon na si Maxwell ang nagdadala kay Epstein ng mga menor de edad na babae.
Nakasaad sa bahagi ng email na ipinadala ni Seckel kay Epstein: “Now our group in the Philippines is building links and links to our sites, pseudo sites, and the other jeffrey epsteins of the world.
"When this all important process is finished, and the bots troll the web again, and we see we have sites of content, properly formatted, etc., linked, blah, blah, blah, then, the old sites will just get moved out of the way. Poof. We just need more links then them.”

Noong Pebrero 11, 2026, inihain ni Senator Loren Legarda ang Senate Resolution No. 300 na humihikayat sa Senado na magkaroon ng masusing imbestigasyon tungkol sa Epstein Files dahil maaari raw nagamit ang Pilipinas bilang digital cover-up operations sa manipulasyon at panlilinlang sa publiko.
Sinabi ni Legarda na hindi dapat mailantad ang mga kabataang Pilipino sa mga network na mapagsamantala dahil ipinakikita ng Epstein Files ang nakababahalang operasyon sa buong mundo.
Tungkulin daw ng Senado na tiyaking hindi nagiging plataporma ng pagtatakip o pang-aabuso ang Pilipinas.
Nabanggit sa Epstein Files ang pangalan ng mga Filipino household staff ni Epstein: sina Jojo Fontanilla, Jun-Lyn Fontanilla, Carluz Toylo, at Arline Toylo.
Pero nilinaw ng U.S. Justice Department na wala silang kinalaman sa mga ilegal na gawain ng kanilang dating amo.
Noong 2010, ibinahagi ng mga Fontanilla ang mga larawan nila na kasama sina former U.S. President Bill Clinton, Oscar-winning actress Hilary Swank, comedian Chris Tucker, ex-Duchess of York Sarah Ferguson at dating Prince Andrew.
Pruweba ito ng paglilingkod nila kay Epstein at ang pagtitiwala nito sa kanila.
Read: Jopay Paguia hesitated returning to SexBomb Girls due to religion
