Ang aktor na si Anthony Jennings ang isa sa mga natuwa sa libreng sakay na alok ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver na si Rodito “RJ” Marin Jr. 28, para sa mga pasaherong estudyante, mga pasyenteng may sakit na kanser at sumasailalim sa dialysis.
Nag-viral si RJ sa social media, hinahangaan, at tumatanggap ng mga papuri dahil sa kanyang pagkakawanggawa.
Naging pasahero ni RJ si Anthony noong Linggo, Marso 22, 2026.
Nagulat ang Kapamilya actor nang makita nito ang nakapaskel sa loob ng sasakyan ni RJ:

“Last Sunday po, si Sir Anthony Jennings ang pasahero ko.
"Kasama po niya ang kanyang kaibigan at masarap po ang kuwentuhan namin about sa free ride at pagiging dog trainer ko.
“Nakita po niya ang nakapaskel sa loob ng sasakyan ko. Natutuwa raw po siya sa ginagawa ko about sa free ride,” kuwento ni RJ nang makipag-ugnayan sa kanya ang Cabinet Files.
Read: Nico Bolzico, Wil Dasovich admit underestimating Alden Richards
CLUELESS ON BEING VIRAL
Walang kamalay-malay si RJ na nag-viral siya dahil sa libreng sakay na alok niya sa mga estudyante at mga pasaherong may karamdaman.
Hindi alam ni RJ kung sino sa mga naging pasahero niya ang nagbahagi sa social media ng kanyang kontribusyon sa lipunan.
Nalaman lamang ni RJ na viral siya dahil sa hipag niyang nakakita sa mga social media post tungkol sa kanya.
Ayon kay RJ, nais niyang makapagpasaya ng kapwa kahit sa pamamagitan lamang ng libreng sakay na nakakapaligaya at nagbibigay raw sa kanya ng inspirasyon.
Saad niya: “Ang inspiration ko po para tumulong ay para mapangiti ko sila kahit konti sa pamamagitan ng free ride po.
“Ang sarap po kasi sa pakiramdam na makakatulong ka sa kapwa mo na wala pong kapalit.
"Masaya po ako kasi hindi ko po akalain na may magpo-post pala sa ginagawa ko at magba-viral po.
"Masarap pala sa pakiramdam na may nakaka-appreciate sa ginagawa ko."
Sariling sasakyan ang ipinapasada ni RJ bilang Grab driver.
Read: Filipino voice cast of Forgotten Island reacts to trailer release
FREE RIDES FORS STUDENTS, CANCER AND DIALYSIS PATIENTS
Hindi natapos ni RJ ang kursong Criminology dahil pinili niyang magtrabaho sa isang pomelo farm sa Davao City para kumita ng pera.
Ito raw ang dahilan kaya may puwang sa kanyang puso ang mga estudyante.
Pagbabahagi niya sa Cabinet Files, “Naranasan ko pong maging working student noon. Mahirap po talaga na mag-aral habang nagtatrabaho kaya may free ride po ako para sa mga estudyante.”
Libreng sakay rin ang alok ni RJ sa mga dialysis at cancer patients dahil naaantig daw ang kanyang damdamin sa tuwing naghahatid siya ng mga pasahero sa ospital.
Lahad niya: “May mga naisasakay po ako na mga cancer at dialysis patient. Nalalaman ko ang mga sakit nila dahil sa mga ospital ang drop off nila.
"Pero ang madalas pong nangyayari, ayaw po nilang tanggapin yung ibinabalik kong bayad nila.
“Ang ginagawa ko po, itinatanong ko ang GCash number nila at kapag na-drop off ko na sila, ibinabalik ko ang bayad nila thru their Gcash.
“Nakakatuwa lang po dahil naluluha po yung pasahero habang nag uusap kami. Hindi sila makapaniwala na sa panahon ngayon, may free ride sa mga katulad ko."
Paglilinaw ni RJ, “Wala po akong friends and family na nagkaroon ng cancer.
"Talagang gusto ko lang pong tumulong dahil nakikita kong nahihirapan sila sa kanilang mga sakit.”
Tinanong ng Cabinet Files si RJ kung hanggang kailan ang kanyang alok na libreng sakay sa mga estudyante at mga maysakit.
“Hanggang nagpapasada po ako ng Grab at alam ko naman na tatagal pa po ako sa trabahong ito,” sagot ni RJ.
Pinupuri ng maraming netizens ang kabutihang ginagawa ni RJ, lalo na ngayong sobrang taas ng presyo ng gasolina na bunga ng giyera sa pagitan ng Iran at ng US-Israel kaya apektado ang kanyang kinikita.
CERTIFIED DOG TRAINER
Hindi lamang ang pagiging TNVS driver ang hanapbuhay ni RJ dahil certified dog trainer din siya.
Malaking tulong daw ito sa pamilya niya—ang kanyang asawang si Glenda at mga anak nilang sina Nhiel Aldrich, 8, at Prince Aiden, 2.
Lahad ni RJ: “Six years na po akong dog trainer. Nag-start ako noong 2020.
"Inimbitahan po ako ng kaibigan ko para mag-training ng aso hanggang nasanay na po ako. Natuto na rin ako na makipag-usap sa mga client.
"Home service po ang dog training ko.
"Ang ginagawa ko po, dog training mula 7 A.M. hanggang 3 P.M. at Grab driver ako from 5 P.M. to 10 P.M. po.”
Read: VIRAL: The true story behind dogs seen traveling together
