Kinumpirma ng pamahalaan ng Malabon City, sa pamamagitan ng opisyal na pahayag ngayong Sabado ng gabi, Marso 28, 2026, na peke at AI-generated ang tarpaulin ni Mayor Jeannie Sandoval na kaanyo ni Birheng Maria.
Kumalat sa social media ang naturang tarpaulin na naging dahilan para makatanggap ng mga batikos ang alklade mula sa mga taong naniwala.
Ito ang kabuuan ng pagtutuwid ng pamahalaan ng Malabon City tungkol sa isyung unang pinabulaanan ng mga residente ng siyudad na nakausap ng PEP.ph:
“Mariin naming pinabubulaanan ang kumakalat na larawan ng umano’y tarpaulin ni Mayor Jeannie Sandoval na kahalintulad ng Mahal na Birheng Maria.
"Ito ay hindi totoo at batay sa aming pagsusuri ay AI-generated at manipuladong nilalaman na hindi nagmula at hindi inaprubahan ng tanggapan ng Punong Lungsod.
“Mahigpit na sinusunod ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang mga alituntunin ng DILG na nagbabawal sa paglalagay ng larawan ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga tarpaulin.
“Malinaw na ang kumakalat na imahe ay hindi lehitimo at walang kaugnayan sa alinmang opisyal na programa o komunikasyon ng lungsod.
“Ang ganitong paggamit ng banal na imahen ay isang kalapastanganan (sacrilege). Bilang isang debotong Katoliko, hindi kailanman gagawa o papayag si Mayor Jeannie Sandoval sa anumang makalalapastangan sa ating pananampalataya.
“Ang kumakalat na pahayag ng umano’y paghingi ng paumanhin ay peke at hindi rin nagmula sa Mayor o sa alinmang opisyal na channel.
“Hinihikayat namin ang publiko na maging mapanuri at huwag basta magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon.
"Sumunod lamang sa mga opisyal at mapagkakatiwalaang pahayag. Maraming salamat po.”
Read: Kumakalat na tarpaulin ng Malabon mayor na naka-Birheng Maria, fake?

FAKE NEWS
Ibinahagi naman ng Malabon Public Information Office ang screenshot ng mapanlinlang na social media art card na ginawa ng mga naninira kay Sandoval.
Pinaglaruan si Sandoval ng kanyang detractors dahil pinalitaw nilang gandang-ganda siya sa sarili at bagay na maging Birheng Maria.
Wala raw itong katotohanan dahil kailanman, hindi nito sinabing: “Aking inaprubahan ang nasabing tarpaulin dahil NAGANDAHAN AKO SA AKING ITSURA at bagay sa akin maging Maria kaya natuwa ako sa kinalabasan nito.
“Humihingi po ako ng paumanhin sa mga nabastusan sa tarpaulin na inilabas ng aming opisina.
"Hindi ko po inaasahan na may ganitong magiging reaksyon mula sa ilan.Maraming salamat.”

Read: DISMISSED: Liza Diño cyber-libel complaint against PEP, Tirso Cruz III, Joey Reyes, Joji Alonso
Hindi naman masisisi ang ilang napaniwalang lehitimo ang kumalat na tarpaulin ni Mayor Jeannie Sandoval dahil sa mga nagkalat noong posters, stickers, at maging certificates at diplomas na nakalagay ang kanyang malaking litrato at pangalan.
