Maging maingat sa mga scammer.
Ito ang paalaala sa publiko ni Carlo Labalan, isa sa apat na anak ng pumanaw na veteran character actress na si Vangie Labalan.
Binawian ng buhay si Vangie sa Australia, sa edad na 83, noong Pebrero 12, 2026.
May kinalaman ang babala at paalaala ni Carlo sa fake news na kumakalat sa social media na, diumano, nagkakahalaga ng PHP700 million ang kayamanang iniwan ng kanyang ina na ipinamana nito sa personal assistant niya.
Ginamit sa pagpapakalat ng fake news ang logo ng ABS-CBN at ang pangalan ni Karen Davila bilang author ng artikulong may pamagat na “The Last Surprise of Vangie Labalan: Why the Legend of Philippine Cinema Left an Investment Platform to Heirs instead of Millions.”

Natawa si Carlo nang una nitong mabasa ang fake news.
Pero minabuti niyang pabulaanan ang balita para hindi maging biktima ang ibang mga taong mabilis maniwala.
“It’s all fake,” sabi ni Carlo nang makausap siya ng Cabinet Files.
“Please let the public know na natawa kami and, of course, it’s all fake. Please be wary of scammers."
Read: Veteran actress Vangie Labalan passes away at 83
VANGIE LABALAN'S CREMATED REMAINS RETURNED TO AUSTRALIA
Ibinalita rin ni Carlo na ibinalik sa Australia ang cremated remains ng kanyang ina.
Iniuwi ng bansa ang cremated remains ni Vangie at ibinurol sa The Ascencion Columbary and Chapels, Quezon City, mula Pebrero 28 hanggang Marso 1, 2026, para mapaglamayan ng kanyang pamilya at mga kaibigan sa Pilipinas.
Naganap naman ang burol sa cremated remains ni Vangie sa bayan nito sa Bacolod mula Marso 3 hanggang Marso 4.
Read: Cremated remains ni Vangie Labalan, iuuwi ng Pilipinas
Noong Marso 6, muling inilipad ang mga labi ni Vangie sa Sydney, Australia, dahil ito ang nagpagkasunduan ng kanyang mga anak.
“Iniuwi siya sa Australia noong March 6 dahil nandoon ang tatlong kapatid ko. As of now, naghahanap sila ng maganda at malapit na columbarium," saad ni Carlo sa Cabinet Files.
POSTHUMOUS AWARD FOR VANGIE LABALAN
Ibinalita rin ni Carlo na pinagkalooban ng Posthumous Award ng Bacolod Chamber of Commerce ang kanyang ina nang iburol ang mga labi nito sa Bacolod.
Nakasaad sa Posthumous Award to a Negrense na ipinagkaloob kay Vangie: “For her outstanding contribution to the talent and creative industry, both domestic and international, as a famous Filipino actress, comedian, acting coach, voice actress, and entrepreneur.”
“We were so honored,” reaksiyon ni Carlo tungkol sa hindi nila inaasahang parangal para sa kanilang sumakabilang-buhay na ina.

Postscript: Hindi lamang si Vangie ang ginamit ng fake news peddler dahil naging biktima rin ang aktres na si Gloria Romero at ang mga naulila nito nang pumanaw siya noong Enero 25, 2025.
Nag-iwan daw si Gloria ng PHP717 million na gusto niyang ibigay sa mga charitable organization ang fake news.
Mariin itong pinabulaanan ng anak ni Gloria na si Maritess Gutierrez.
Nagbanta noon si Maritess na sasampahan ng kaso ang nagkalat ng walang katotohanang balita na kawalan ng galang sa alaala ng nanay niya na nakaburol noon.
Read: Pamilya ni Gloria Romero umalma sa pekeng last will and testament