Iniwasan ng direktor na si Christopher Novabos na pangalanan ang aktor na hindi sinipot ang unang araw ng shooting ng kanyang pelikula.
Pero halatang galit siya sa kanyang social-media post noong May, 9, 2026:
"Sana nag-abiso ka na hindi makakasipot sa shoot. Lead ka pa naman dito sa project ko ngayon. Wala kang respeto sa production! Binabastos niyo ko!”
Ang kapwa direktor na si Louie Ignacio ang isa sa mga sumagot sa social-media post ni Novabos.
Aniya: "Kilala ko iyan! Dapat turuan ng asal iyang actor na iyan at wag nang kunin ng mga producers.
"Puwede namang ilabas mo na ang pangalan niyan Direk at baka marami pang mabiktimang production.
"Ay sori at di pa pala siya matatawag na actor, talent puwede pa.”
Si Novabos ang direktor ng She Who Must Not Be Named, ang pelikula nina Francine Diaz at Seth Fedelin.
Ang latest projects niya ay ang VMX movies na Scissors at Monay, na nagkaroon ng magkasunod na media conferences noong Sabado, Mayo 16.
Read: Singha beer heir Psi Scott accuses older brother of sexual abuse; Pi Scott denies claims
MORE ABOUT THE ACTOR WHO DID NOT SHOW UP
Sa media con, inusisa ang kanyang social-media post.
Galit pa rin siya habang nagbibigay ng detalye.
"Walang paramdam, e. Walang anino. Napuno na talaga yung pasensiya ko. Sabi nga nila, may limitasyon yung pasensiya natin. Hindi sumipot, e, ang laki ng aberya. Hindi lang naman sa akin kundi sa produksyon,” ang reaksiyon ni Novabos.
Nung nakausap siya ng Cabinet Files, pakiramdam daw niya ay nabiktima siya ng ghosting dahil sa hindi pagsipot ng aktor sa unang araw ng shooting ng kanilang Boys Love (BL) project.
"Yung aberya sa production. Magkanong ginastos? Yung abala ng mga tao, yung oras, yung effort para pumunta, yung preparations?
"Ang laki! Kaya doon sa statement ko na parang alisin ninyo na lang na binastos ninyo ako, yung sa production na lang,” ang lahad ni Novabos.
“Ano ang sabi ng producer ng project?” ang tanong ng Cabinet Files.
"I am forcing na kasi na i-back out pero nagmakaawa sa akin, ’Direk huwag mo nang i-pack up. Hanap na lang tayo as much as possible.’
"Pero sabi ko, kung hindi man ako makahanap, we need to talagang back out kasi hindi ko siya magagawa within remaining time kasi we have 16 hours to do that.
"Sana nagsabi siya, kahit text man lang. Datihan siya, nasa BL scene. Kasi BL yung ginagawa ko.
"Nagalit ako, nagalit ako nang malaman ko na hindi siya makakarating. Even the production staff, sabi ko, bakit hindi ninyo sinabi sa akin agad na ganoon pala ang nangyari?” ang dagdag na pahayag ni Nobavos.
THE REASON BEHIND ACTOR's no-show
Inamin niyang nag-reach out sa kanya ang aktor para sabihin ang dahilan ng hindi pagsipot sa shooting ng kanilang proyekto.
"Nag-message siya sa akin because of health reasons, ganyan. Masama ang pakiramdam,” ang kuwento ni Novabos na hindi napilit na banggitin ang pangalan ng aktor.
Pero sa pagsasaliksik na ginawa ng Cabinet Files, napag-alamang siya ay isang pageant winner.

Ngayong Linggo ng hapon, Mayo 17, 1:28 P.M., nagpadala ng mensahe ang Cabinet Files sa Instagram account ng pageant winner para sa kanyang paliwanag at panig, pero hindi pa siya sumasagot.
Agad ilalathala ng Cabinet Files ang anumang pahayag na manggagaling sa aktor.
Read: Kelvin Miranda to file lawsuit vs. driver involved in dad's death