Homesickness at kakulangan sa kaalaman sa pagsasalita ng Korean language ang ilan sa mga dahilan kaya nagpasya si Ella Cruz na huwag nang ituloy ang kanyang pangarap magkaroon ng showbiz career sa South Korea.
Tatlong buwan namalagi si Ella sa South Korea at matagal na nawala sa sirkulasyon ng showbiz kaya hinanap siya ng kanyang mga tagahanga.
Ang pelikula na Martyr or Murderer (2023) ang huling acting assignment ni Ella.
Makalipas ang tatlong taon, ngayon ay muli siyang mapapanood sa Borrowed Life, ang fantasy romance comedy vertical series ng Viva Movie Box.
Read: Ella Cruz, tinawag na "laos" at sinampal nang walang dahilan ng high school classmate
ELLA CRUZ ON TRYING HER LUCK IN SOUTH KOREA
Nang humarap si Ella sa mga miyembro ng entertainment media, buong katapatang inamin niya ang naging karanasan.
Lahad niya: "Marunong naman po [ako mag-Korean], pero iba pa rin kasi yung marunong talaga, yung fluency at alam kung paano makipag-usap.
"At the same time, siyempre po, katulad din dito, marami na rin po ang gusto na maging artista doon.
"So sabi ko bakit pa ako aalis dito sa aking sariling bansa na simula naman po nung bata ako, na-establish ko naman po ang sarili ko?"
Nabalot daw siya ng kalungkutan kahit sa sandaling panahong namalagi siya sa South Korea.
"I remember staying there and crying lang every day because of homesickness. Iba po talaga yung culture doon, iba yung culture dito.
"Na-realize ko bakit ako mag-iibang bansa?"
Sa kabila nito ay nagpapasalamat pa rin si Ella na sinubukan niyang makipagsapalaran sa South Korea.
"Okay naman po, at least there are opportunities.
"Kasi last December 2025/January 2026, bumalik po ako sa Korea, in-invite ako as Ella Cruz din po for a big event ng New Year’s countdown nila.
"And right now, this coming New Year, babalik po uli ako.
"Pero hindi naman po nila ako kilala doon. Iba pa rin po siyempre yung sila, may sarili silang artists na Korean talaga. Nakakapag-speak ng language nila," ang walang pretensyon at mapagkumbabang sabi ni Ella.
Read: Christian Esguerra dismayed by takedown of YSpeak 2.0 guesting
NO REGRETS
High school student si Ella nang maging tagahanga ito ng K-pop.
Kaya nang pumasok sa Philippine showbiz at nabigyan ng pagkakataon, pumunta siya sa South Korea para subukan ang kanyang kapalaran na hindi niya pinagsisihan.
"Simula bata ako, simula high school ako, mahilig talaga ako sa K-pop, so sabi ko since merong opportunity na nagbukas, bakit hindi ko i-try?
"Wala naman po mawawala sa akin sa pag-try sa Korea.
"Pero wala naman parang nawala. Tinry ko lang po talaga. Tinry ko po kung kaya ko pa.
"Kasi siyempre iba yung mas bata ka, mas madaling mag-adapt kesa sa medyo mas mature, mas mahirap nang mag-practice o mag-aral.
"Sinabi ko naman kay Boss Vic [del Rosario] na, 'Try lang, Boss,' pero kapag nakita ko na yung worth ko nasa Pilipinas pa rin, nasa industriya pa rin, siyempre babalik at babalik din naman po ako."
Ngayon ay desidido siyang pagtuunan ng pansin at panahon ang kanyang acting career sa Pilipinas.
Pinaghandaan niya ang kanyang acting comeback sa pamamagitan ng pagpapapayat.
Ibinalita ni Ella na pitong kilo na ang nabawas sa kanyang timbang kaya physically fit na siya sa mga eksena niya sa Borrowed Life na pinagbibidahan nila nina Nikko Natividad at Phoebe Walker.