Matagal nang wala sa Philippine entertainment industry ang dating child actress na si Rebecca Lusterio, 38.
Sa Denmark na siya naninirahan kasama ang kanyang asawang si Thomas Mejlsø, 38, at ang anak nilang si Alexander, 7.
Sampung taong gulang si Rebecca nang lumabas siya sa kanyang unang pelikula, ang Muro-Ami, ang pelikulang pinagbidahan ni Cesar Montano noong 1999.
Mula ito sa panulat ni Ricky Lee at direksiyon ni Marilou Diaz-Abaya, na parehong National Artist for Film and Broadcast Arts.
Walang karanasan si Rebecca sa pag-arte, pero ang mahusay na pagganap niya sa karakter ni Kalbo sa Muro-Ami ay umani ng mga papuri mula sa mga manonood at mga kritiko.

Dahil sa pagganap niya sa Muro-Ami, binigyan siya ng mga parangal na Best Child Performer sa Metro Manila Film Festival 1999, New Movie Actress of the Year at Child Performer of the Year sa Star Awards for Movies 2000, at Best Child Actress sa FAMAS Awards 2000.
Tatlong pelikula ni Cesar ang naging proyekto ni Rebecca sa kanyang panandaliang showbiz career: Muro-Ami (1999), Panaghoy sa Suba (2004), at Ligalig (2006).
Bukod sa best child actress awards na napanalunan niya, nagwagi siyang best supporting actress para sa Panaghoy sa Suba sa 30th Metro Manila Film Festival.
Read: Meet the newbies and young standouts of MMFF 2025
WHATEVER HAPPENED TO REBECCA LUSTERIO?
Makalipas ang dalawang dekada, nalaman ng publiko ang kinaroroonan ni Rebecca dahil sa muling pagpapalabas sa sinehan ng digitally restored at remastered version ng Muro-Ami ng GMA Pictures noong Hunyo 3, 2026.

Kahit nasa malayong bansa si Rebecca, ginamit niya ang social media para i-promote ang Muro-Ami dahil natuwa siya sa muling pagtatanghal sa mga sinehan ng kanyang debut movie.
Nang bumisita si Cesar sa Fast Talk with Boy Abunda noong Miyerkules, Hunyo 3, nasorpresa ang aktor sa mensahe ni Rebecca para sa kanya.
Mensahe ng dating child actress: “Sobrang natuwa ako na ipapalabas uli ang Muro-Ami sa mga sinehan.
"After ng Muro-Ami, akala ko talaga hindi na ako magkakaroon ng chance na makasama uli sa isang pelikula.
"But four or five years later ‘ata, may pumunta sa school ko sa Panglao. Sabi, hinahanap daw ako ni Cesar Montano.
"After Panaghoy sa Suba, nabigyan ako ng scholarship ng Letran at dahil dun, nakapagtapos ako ng kolehiyo.
“Kuya Buboy, maraming-maraming salamat sa opportunities at tiwala na ibinigay mo sa akin.
"Dahil sa tiwala na yon, maraming magagandang bagay ang nagbukas para sa akin, and that’s something I will always be grateful for.”
Read: Atasha Muhlach, Jacob Ang spotted getting cozy at a wedding
REBECCA LUSTERIO'S LIFE IN DENMARK
Sa pamamagitan ni Bam Salvani, nagbigay ng mga impormasyon si Rebecca sa Cabinet Files tungkol sa magagandang pangyayari ngayon sa kanyang buhay matapos magsikap makatapos ng pag-aaral at makipagsapalaran sa ibang bansa.
Nakarating at namalagi si Rebecca sa Denmark dahil nagtrabaho siya bilang au pair, ang tawag sa mga exchange student na naninirahan sa bahay ng host family, nag-aalaga ng bata, at tumutulong sa mga gawaing bahay kapalit ng kanilang pag-aaral.
Lahad niya: “After graduating from Letran, I moved to Denmark as an au pair for two years.
“After my au pair contract ended, I studied again po in Copenhagen, then I met my husband.
“After au pair, I studied International sales and marketing (I was also a scholar) sa Copenhagen Business Academy. Hindi ko afford ang tuition fee.
“Then I pursued a masters degree in Web Communication Design sa University of Southern Denmark.
"Right now, I work in marketing sa isang law firm.”
Labing-isang taon nang kasal si Rebecca sa kanyang Danish husband na si Thomas Mejlsø, pero ang maiden name pa rin ang ginagamit niya dahil legal ito sa Denmark.

Bumisita sa Pilipinas ang pamilya ni Rebecca noong Disyembre 2025 dahil nagbakasyon sila sa Panglao.
Nong 2023 ang huling pagkikita nila ni Cesar.
Read: Jake Vargas on marrying partner Inah de Belen: "Mangyayari."