Nagbigay ng kanilang pananaw sina Pokwang at Meryll Soriano sa kontrobersiyang kinasasangkutan ni Joshua Garcia.
Dalawang araw nang laman ng online discussions si Joshua matapos siyang mag-repost sa TikTok ng isang curated video na ikinokonekta ng ilang netizens sa pagiging pro-Vice President Sara Duterte.
Bagamat na-delete na ang naturang repost, nananatiling tikom ang bibig ng Kapamilya actor sa isyu.
Sa panayam sa kanila ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, Hulyo 21, 2026, kinuha ang reaksiyon nina Pokwang at Meryll tungkol sa burado nang post ni Joshua.
Ipinaliwanag muna ni Boy kina Pokwang at Meryll ang pinagmulan ng kontrobersiya bago hiningi ang kanilang opinyon.
Tanong ng TV host: “Nag-repost si Joshua sa TikTok ng isang curated video na kung panonoorin mo ay parang pro-Vice President Sara Duterte.
"It had been taken down, ayon sa ating balita, and we’re trying to get in touch with Joshua Garcia para natin malaman. What are your thoughts?”
Walang pag-aalinlangan sa pagsagot si Meryll, na iginiit na may karapatan ang bawat isa sa sariling paninindigan.
“That’s his platform and kung dun siya naniniwala, kaya nga tayo merong freedom of speech. We are free to express our own opinions and voices sa sarili nating platform.
“It’s just so happens na meron din opinyon ang mamamayan, ang audiences natin,” sabi ni Meryll.
Sang-ayon dito si Pokwang, na nagsabing hindi dapat iba ang pagtrato kay Joshua dahil lamang sa pagiging artista nito.
Saad niya: “Nagkataon lang kasi na artista si Joshua pero kapag ordinaryong tao ba yan, papansinin mo ba? Nagkataon lang na artista siya. Karapatan niya yon, hayaan natin siya.
“Marami akong kaibigan na magkaiba kami ng mga sinusuportahan. Nung isang araw kasama ko, nag-dinner kami. Wala kaming sumbatan.”
Hindi lingid sa marami na naging biktima rin si Pokwang ng matinding online hate sa nakalipas na mga taon dahil sa kanyang political views.
Read: Boss Toyo apologizes after Kara David documentary backlash
MERYLL SORIANO ON DAD WILLIE REVILLAME IN POLITICS
Samantala, napunta rin ang usapan sa ama ni Meryll na si Willie Revillame, na tumakbo bilang senador noong May 2025 ngunit hindi pinalad mahalal.
Nang tanungin ni Boy ang aktres tungkol sa naging reaksiyon niya sa pagpasok ng kanyang ama sa politika, hindi nito itinagong hindi siya naging pabor sa naging desisyon nito.
“Oh no,” maikli niyang tugon.
Ipinaliwanag ni Meryll na sa tingin niya ay alam din mismo ng kanyang ama na hindi politika ang tunay nitong larangan.
“Nasagot na rin naman niya ito sa kanyang sariling pag-iisip because it’s something that he doesn’t know. He doesn’t know well.
“He was never confident. I mean, people have been trying to tell him tumakbo ka. Makakatulong ka.
“And I think he’s very smart to understand na hindi niya yon forte. So, nung tumakbo siya, siyempre nalungkot din ako kasi parang kakayanin ba niya yung stress?
“It’s completely a different world and iniisip ko rin siyempre yung health niya.
"Yung magiging buhay niya, magiging buhay naming mga anak niya and mabait talaga ang Diyos sa kanya na hindi siya nanalo because he’s set out to do other things where he’s more than capable to help.”
Read: Willie Revillame confirms run for senator in 2025 elections