Isang libro tungkol sa buhay ni Regal Entertainment founder at producer Mother Lily Monteverde (Agosto 19, 1938- Agosto 4, 2024) ang pinaplano ng kanyang pamilya kaya hindi muna matutuloy gawin ang balak na pagsasapelikula sa life story niya.
Buhay pa si Mother Lily nang ibalita ng direktor na si Erik Matti noong 2019 na gagawing pelikula ang kuwento ng kanyang buhay.
May pamagat itong Mother (The Story of Mother Lily Monteverde) at pagbibidahan ni Judy Ann Santos.
Hindi natuloy ang pelikula dahil sa coronavirus pandemic na nangyari noong 2020.
Read: Who is Mother Lily Monteverde?
Nang makausap ng Cabinet Files ang anak ni Mother Lily, ang Regal Entertainment, Inc. CEO na si Roselle Monteverde, sinabi nitong iniisip niyang maglabas muna ng libro tungkol sa kanyang ina.
Ang librong 100 Sine. Film. Pelikula, The 100+ Greatest Movies of Philippine Cinema, na akda ni Jo-Ann Q. Maglipon sa pakikipagtulungan ni Joel David, ang nagbigay ng inspirasyon kay Roselle para magkaroon ng libro tungkol kay Mother Lily.

Lalo na't napakalaki ng kontribusyon ni Mother Lily sa industriya ng pelikula at telebisyon sa Pilipinas.
Read: Biopic ni Mother Lily Monteverde, kasado na
CALL MY MANAGER
Kahit hindi pa maisasakatuparan ang biographical movie tungkol kay Mother Lily, mapapanood sa unang kabanata ng HBO Max series na Call My Manager ang “tribute" sa kanya ni Erik Matti at ng mga bumuo ng proyekto.
Hindi maipagkakailang si Mother Lily ang naging inspirasyon ng karakter na mahusay na ginampanan ni Gina Alajar.
Ironically, si Judy Ann Santos, na dapat na gaganap na Mother Lily sa hindi natuloy na biographical movie, ang bida sa Call My Manager.
Nag-umpisa ang streaming ng Call My Manager nito lamang Huwebes, Agosto 13, 2026, pero pangalawa agad ito sa Top 10 series ng HBO Max.
Star-studded ang cast ng Philippine adaptation ng popular 2015 French series na may pamagat na Call My Agent! (Dix pour cent) dahil sa partisipasyon ng maraming artista at napakahusay na pagganap nina Gina, Judy Ann, Edu Manzano, at RK Bagatsing.

Pero agaw-eksena si Arci Muñoz sa cameo role nito bilang sarili niya dahil sa kanyang linya sa eksena nila ni Raf Pineda.
Tiyak na marami ang matatawa sa dialogue ni Arci: “Bakla, huy, hindi kita nakilala! Ikaw ha, may pinaayos ka na naman, ha?”
Pamilyar sa lahat at maging kay Arci ang linya nito sa Call My Manager dahil ito ang madalas na reaksiyon ng mga tao kapag nakikita siya matapos mawala nang matagal sa sirkulasyon.
Tungkol sa buhay ng mga talent manager at mga artista ang kuwento ng Call My Manager.
Ginamit na theme music ng serye ang "Careful, Careful," ang theme song ng showbiz talk show ng pumanaw na Queen of Intrigues na si Inday Badiday.
At para sa kaalaman ng lahat, ang mang-aawit na si Rico Blanco ang musical director ng Call My Manager.
Read: Charo Santos recalls Mike de Leon's fiery temper in Kisapmata