Maigting ang panawagan ng netizens sa pamunuan ng convenience store na 7-11 na hanapin, kilalanin, at sampahan ng kaso ang babae sa isang viral video.
Malinaw na makikita sa sinadyang kunan na video ang pagdila ng babae sa hotdog na ibinalik nito, gamit ang kanyang kamay, sa steamer machine at kumuha ng ibang hotdog na bibilhin niya.
Nakangiti pa ang babae habang ginagawa niya ito.
Banta sa kalusugan ang unsanitary practice na ginawa ng babae sa hotdog sandwich.
Pinagpipistahan at binabatikos nang husto sa social media ang hindi pa nakikilalang babae.
Hindi malinaw kung kailan kinunan ang viral video.
Read: Governor Lilia Pineda apologizes over designer outfits worn during Pampanga flood response
7-11 PHILLIPINES STATEMENT
Noong Miyerkules, Setyembre 2, 2026, naglabas ng babala at paalala ang 7-11 Philippines, sa pamamagitan ng kanilang social media page, tungkol sa food safety at sanitation.
Nakasaad dito: “Any food or drink that is improperly handled will be disposed of immediately.
“Intentional tampering is a direct violation of public health, and we will pursue full legal action against anyone putting our community or staff at risk.
"Help us keep our stores clean, safe, and secure for every Kapitbahay.
"Report any suspicious behavior to our staff immediately."

Pinaniniwalaang may kaugnayan sa viral video ng "hotdog sandwich girl" ang babala ng pamunuan ng convenience store.
Ang ginawa ng babae ang pangalawang insidente ng paglapastangan sa mga pagkaing ibinebenta sa naturang convenience store na nag-viral ngayong taon.
Noong Pebrero 2026, naghain ng administrative case si Sta. Cruz, Laguna Mayor Benjo Agarao laban sa isang dating SK chairman dahil sa paghawak at paghipo nito sa mga siopao at hotdog na ipinagbibili ng convenience store.
Sinadyang kinunan ng video ang insidente para sa social media content ng SK chairman.
Ang aktong ito ay mariing kinondena ng publiko, at ibinalita ng mga news outlet pati na sa mga TV news program.
Napilitan ang SK chairman na magbitiw sa puwesto dahil sa malawakang batikos na natanggap niya mula sa mga galit na galit na Pilipino.
Inamin nito ang pagkakamali at inihingi niya ng paumanhin ang kanyang paglapastangan sa mga pagkain.
Read: Laguna SK chairman, nag-apologize sa convenience store incident